LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Naisakatuparan ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron ang pagpapasinaya sa 12 proyektong pang-imprastraktura sa ilang mga barangay ng lungsod kamakailan.
Matapos mapasinayaan ay magagamit na ang Public Market sa Brgy. Kamuning kung saan makakatulong ito para sa ekonomiya ng komunidad at mga kalapit na barangay nito ayon sa pamahalaang lokal.
Ilan pa sa napasinayaan ay ang proyektong Humanitarian Building sa Brgy. Luzviminda kung saan naipagkaloob ito sa pamamagitan ng Pacific Partnership, ang konstruksyon ng bakod, gate, landscape at embankment ng istasyon ng pulis sa Bgy. Napsan, at ang bahagi ng Irawan Agricultural Center, access road sa pagitan ng Palawan State University at Sports Complex at Santan Road sa Brgy. Sta. Monica.
Kasama rin sa pinasinayaan ang 15 Storage Spaces ng City Fish Port sa Brgy. Matahimik, ang Maoyon Covered Gym na
mayroong kasamang palikuran at ang konstruksyon ng pantalan ng Brgy. Buenavista at pagpapailaw ng streetlights doon.
Mas maayos at magandang serbisyo naman ang pangakong kapalit ng ipinatayong dalawang palapag na Multi-Purpose Building sa Brgy. Cabayugan.
Gayundin ang pagpapaganda at pagpapailaw ng paligid ng Mini City Hall sa Brgy. Macarascas.
Ayon kay Mayor Bayron, nais niyang maiparamdam sa mga mamamayan ng lungsod na sa pagpapatuloy ng pag-angat at pag-unlad, lahat ay kabahagi at walang maiiwan. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)
Isa lamang ang proyektong ‘Construction of 2-Storey Multi-purpose Building’ sa 12 mga proyektong pang-imprastruktura na pinasinayaan ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron. (Larawan mula sa CIO)