INFANTA, Quezon (PIA) — Mahigit 1,200 mga residente sa bayang ito ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa nasyonal na pamahalaan sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinangunahan ni First District Representative Mark Enverga at Infanta Vice Mayor L.A. Ruanto ang pamamahagi ng tulong sa mga residente nitong ika-3 ng Mayo sa Infanta Gym sa Barangay Comon.
Bukod sa tulong pinansiyal, ay namahagi rin ng food packs ang DSWD para sa mahigit 1,000 mangingisda na naapektuhan ng nakalipas na sama ng panahon. Tumanggap din ng agricultural interventions ang mga ito mula sa Department of Agriculture.
Tiniyak ni Enverga na patuloy ang gagawing pakikipag-ugnayan at muling magbabalik sa naturang lugar upang magdala naman ng tulong pinansyal sa mga mangingisda sa pamamagitan ng AICS ng DSWD.
Dahil dito, lubos ang pasasalamat ng kongresista sa DSWD sa pamumuno ni Sec. Rex Gatchalian sa patuloy na pagmamalasakit at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan sa kanyang distrito.
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat ang kongresista kina Quezon Gov. Helen Tan, Vice-Governor Third Alcala, Bokal Julius Luces at Bokal Gerry Talaga sa patuloy na pakikipagbalikatan upang makapagbigay ng mga serbisyo. (Ruel Orinday-PIA Quezon)