146K ektaryang bukirin, target patubigan ng NIA UPRIIS

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Target ng  National Irrigation Administration -Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) na patubigan ang nasa humigit 146 libong ektaryang bukirin ngayong wet cropping season.

Sa Nueva Ecija, ang sapat na patubig sa mga palayan ay pangunahing nakadepende sa water elevation ng Pantabangan Dam Reservoir na batay sa pinakahuling tala ay nasa 181.98 metro.

Ayon kay NIA-UPRIIS Department Manager Rosalinda Bote, hindi kailangang mag-alala ng mga magsasaka bagkus ay hinihikayat silang maging katuwang sa maayos na pangangasiwa ng patubig gayundin ay sumunod sa itinakdang panahon ng pagtatanim.

Kumpiyansa ang kagawaran na maaabot ang target sa pamamagitan ng mga ipinatutupad na pamamaraang makatutulong upang madagdagan ang suplay ng tubig na kailangan sa mga bukirin.

Kabilang na rito ang pagsasagawa ng cloud seeding program, alternate wetting and drying method at rotation scheme sa pagpapadaloy ng tubig sa mga irigasyon.

Binanggit din ng NIA-UPRIIS na kabilang sa kanilang mga isinasagawa ang pagkakaloob ng mga solar powered pump sa mga irrigators’ association.

Gayundin ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan tulad sa Department of Agriculture na naghihikayat sa   mga magsasakang hirap maabot ng patubig na magkaroon ng alternatibong tanim tulad ng high value crops.

Katuwang din ng kagawaran ang Department of Public Works and Highways hinggil sa implementasyon ng Kalsada Tungo sa Patubigan o KATUBIGAN Program na kinapapalooban ng mga proyektong farm to market road, drainage channel system dredging,  at marami pang iba.

Makatutulong naman ang mga pag-ulan upang mapatubigan ang mga bukiring umaasa sa sahod ulan gayundin ay makapag-ipon pa ng tubig ang Pantabangan Dam bilang paghahanda sa susunod na panahon ng taniman.

Regular namang pinaaalalahanan ng NIA-UPRIIS ang mga magsasaka hinggil sa sitwasyon ng pagpapatubig at wastong pangangasiwa nito.

Samantala, umabot  sa 143,958.38 ektaryang bukirin ang napatubigan ng NIA UPRIIS sa nakaraang cropping season. (CLJD/CCN-PIA 3)

Si National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems Department Manager Rosalinda Bote. (NIA UPRIIS File Photo)

In other News
Skip to content