BAUAN, Batangas (PIA)—Mahigit 149 bags ng dugo ang nakalap ng pamahalaang bayan ng Bauan sa mass blood donation drive na isinagawa nito kamakailan katuwang ang Batangas Provincial Blood Council, Provincial Health Office, at Batangas Medical Center.
Ayon kay Dr. Dan Joseph Olpindo, Batangas Medical Center Medical Officer, layon ng aktibidad na makapagdagdag ng suplay ng ligtas na dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan nito.
Ang pamahalaang panlalawigan ay patuloy sa pagsusulong na magkaroon ng maayos na access sa sapat, may kalidad at libreng blood related products.
Para kay Segunda delos Reyes , 62 taong gulang at Barangay Health Worker sa San Teodoro, hindi hadlang ang kanyang edad para makapag-alay ng dugo.
“Isa po ito sa mga bagay na nakagawian ko na lalo na at bahagi itoo ng serbisyong pangkalusugan kung saan ako ay kabilang. Dapat lamang na ang mga tulad kong nasa ganitong larangan ang manguna”,ani Delos Reyes.
Nagpasalamat naman si Dr. Winston Ilagan, Bauan Municipal Health Officer sa lahat ng mga Bauaenos na nakibahagi sa ganitong gawain upang makatulong sa mga kapwa kababayan.
“Hinihikayat ko po ang lahat ng mga eligible na magdonate ng dugo upang makibahagi sa mga ganitong gawain, makakatulong ito hindi lamang sa iba kundi maging sa ating mga sarili”, ani Ilagan.
Bukod sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, naging kaagapay rin sa programa ang Department of Health, Philippine Medical Association – Bauan Medical Society, Rural Health Units ng Bauan, at mga Barangay Health Workers.
Magpapatuloy naman ang pagsasagawa ng mga kaparehong aktibidad sa iba pang mga bayan at lungsod sa lalawigan bilang bahagi ng obserbasyon ng National Blood Donor’s Month tuwing buwan ng Hulyo. (BPDC)