SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Labing limang kalahok ng Poster Making Contest ng Department of Trade and Industry (DTI), mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya, ang magpapakita ng kanilang husay sa pagguhit ngayong araw, Marso 15.
Ayon kay Maritess Cuevas ng DTI OccMdo, ang nasabing petsa ang mismong araw ng pagdiriwang ng World Consumer Rights Day na may temang Empowering Consumers Through Clean Energy Transitions. Nais aniya ng Kagawaran na sa pamamagitan ng likhang-sining ng mga kalahok, maiparating nila ang mensahe ukol sa enerhiya, na isang mahalaga at napapanahong usapin ngayong taon.
Sa inilabas na Consumers International campaign pack ng DTI OccMdo kaugnay ng tema ng pagdiriwang, binigyang-diin ang dalawang mahalagang punto kung bakit dapat pag-usapan ang enerhiya. Una ay ang pagtaas ng global energy prices, at ikalawa ay ang pagtukoy sa kahalagahan ng modern energy bilang malaking tulong sa pagtugon sa usapin ng climate change.
Sa programa ng DTI OccMdo sa isang lokal na himpilan ng radyo sa San Jose, ibinigay ni Cuevas ang ilang halimbawa ng energy transitions na nakatulong sa kalikasan. Kabilang dito ang paggamit ng Liquified Petroleum Gas (LPG) bilang gatong sa pagluluto, mula sa dating uling at kahoy na karaniwang gamit noon. Lumitaw aniya sa mga pag-aaral na hindi ligtas ang kahoy bilang gatong dahil naglalabas ito ng carbon dioxide (CO2) habang sinusunog. Ang CO2 ay isang greenhouse gas na nagdudulot ng global warming. “Gumagamit na rin tayo ng freon o/at hydrofluorocarbons sa ating air conditioning units at refrigerators, na itinuturing na eco-friendly at hindi nakakasira ng ozone layer, di tulad ng pinalitan nito na chlorofluorocarbons (CFC),” saad ni Cuevas.
Ang aktuwal na on-the-spot poster making contest ay gaganapin sa conference hall ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng San Jose, kung saan binibigyan ng 2 oras ang mga kalahok para tapusin ang kanilang art piece. Tatanggap ng P5,000 cash prize ang mangunguna sa patimpalak, P3,000 sa 2nd prize at P2,000 para sa 3rd prize. (VND)
Ipinaliliwanag ni Marites Cuevas ng DTI ang konsepto , mechanics at iba pang kaalaman kaugnay ng on-the-spot Poster Making Contest ng kanilang tanggapan.