LUCENA CITY (PIA) — Mahigit 1,600 Barangay Nutrition Scholars (BNS) mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Quezon, gayundin ng mga Municipal Nutrition Action Officers (MNAO), ang nagtipon sa Quezon Convention Center, noong Hulyo 3 bilang pakikiisa sa ika-50 taong pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon.
Ayon sa Quezon Public Information Office, layon ng aktibidad na mapatibay pa ang mga hakbangin sa pagsugpo ng malnutrisyon sa lalawigan, gayundin ang pagtataguyod sa kahalagahan ng ginagampanang tungkulin ng bawat BNS para sa mas maayos na kalusugan ng mga kabataang Quezonian.
Pinahalagahan ni Governor Doktora Helen Tan ang dedikasyon ng mga BNS dahil sila ang nagiging pundasyon ng mga bata upang maging malusog.
Kasabay nito’y binigyang pagkilala at parangal ang mga natatanging BNS, MNAO, Barangay Nutrition Committee, Municipal Nutrition Program Coordinator, Municipal Nutrition Committee, at mga lokal na pamahalaan na nagpakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng mga programang pang-nutrisyon.
Naipamahagi rin ang iba’t-ibang nutrition commodities para sa bawat bayan ng lalawigan ng Quezon. Ilan sa mga ito ay mga MNP, NutriBun, NutriCurls, Fortified Mill at RUTF.
Samantala, nagkaroon naman ng talakayan ukol sa makabagong pamamaraan sa nutrisyon na makakatulong bilang dagdag kaalaman ng mga BNS. (RO/PIA-Quezon)