PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Umabot sa 17,815 indibidwal ang nakapaghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Sa inilabas na datos ng COMELEC-Palawan, sa nasabing bilang 1,034 dito ay sa posisyon ng Punong Barangay, 8,709 sa posisyon ng kagawad sa Barangay, 970 sa posisyon ng SK Chairman at 4,149 naman sa posisyon ng SK Kagawad.
Samantala, sa Puerto Princesa naman ay umabot sa bilang na 2,953 ang nakapaghain ng COC. Sa nasabing bilang 172 dito ay sa posisyon ng Punong Barangay, 1,662 sa posisyon ng kagawad sa Barangay, 160 sa posisyon ng SK Chairman at 959 naman sa posisyon ng SK Kagawad.
Ayon kay Jomel Ordas, tagapagsalita ng COMELEC-Palawan, naging maayos ang pagsasagawa ng filing of Certificate of Candidacy (COC) mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Naging hamon lang aniya dito ay ang pagdagsa ng mga naghain ng COC sa unang araw sa mga malalaking munisipyo tulad ng Taytay, Narra, Roxas at maging sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa mga munisipyo sa Palawan ang may pinakamataas na bilang ng nakapaghain ng COC ay ang Roxas na may 1,286, sinundan ng Taytay na may 1,284 at pangatlo ang Narra na may 1,180. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)
Matiyagang naghintay ng kanilang oras ang mga indibiduwal sa bayan ng Coron para sa paghahain ng kanilang Certificate of Candidacy para sa 2023 BSKE. (Larawan mula sa COMELEC-Palawan)