19 cruise ships, bibisita sa Puerto Princesa ngayong 2025

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nasa 19 na cruise ships ang inaasahang bibisita sa Puerto Princesa ngayon taon.

Sakay ang 1,911 na pasahero at 854 crew members ay dumating sa daungan ng lungsod ang MS Norwegian Sky ngayong Enero 15. Nagmula ito sa bansang Malaysia.

Masayang sinalubong ang mga ito ng Puerto Princesa City Band at cultural performances mula sa Banwa Dance Troupe ng City Tourism Office.

Pagkatapos ng welcome ceremony ay tinungo naman ng mga bisita ang iba’t ibang tourist destination sa lungsod tulad ng Puerto Princesa Underground River.

Matandaan na ito na ang ika-tatlong barkong dumating sa lungsod mula sa 19 na cruise ship na inaasahang bibisita ngayong taon. Ang MS Norwegian Sky ay ilang beses na ring bumisita sa lungsod noong mga nakaraang taon.

Isa pang cruise ship ang inaasahang darating ngayong Enero.

Naunang dumating sa lungsod ang MS Noordam noong Enero 7 na may sakay na 1,988 na mga pasahero at 771 crew members.

Sinundan ito ng MV Aidastella na may sakay na 2,143 na pasahero at 623 crew members noong Enero 12. Ito rin ang maiden voyage sa Puerto Princesa ng nasabing cruise ship,  kaya’t bilang tanda ng pagkakaibigan at pagkaisa ay nagpalitan ng token ang pamunuan ng cruise ship at pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa.

Ayon kay City Tourism Officer Demetrio Alvior Jr., malaki ang nagiging kontribusyon ng pagbisita ng mga cruise ship sa paglago ng ekonomiya ng lungsod partikular na sa sektor ng turismo.

“Ang benepisyo ng cruise ship, unang-una sa ekonomiya at saka sa turismo partikular sa promosyon, lahat halos ng sektor ay nakikinabang pagdating sa tourism. Kapag dumating ang cruise ship, pupunta sa mga tourist destination natin ang mga sakay niyan, iikot at mamimili, lahat ng sektor may pakinabang, imagine ang sakay ng cruise ship ngayon nasa 2,000, sabihin mo nang 50 percent bababa, so, anlaki na non,” sabi ni Alvior.

Dagdag pa niya “Kung may 1,000 ka na iikot sa Puerto Princesa, sila na rin ang magpo-promote ng ating lungsod pagbalik nila sa kanilang mga lugar, multiple effect ito sa atin. ‘Yon ang kagandahan ng pagdating ng mga cruise ship.”

Inaasahan naman ng City Tourism Office na mas dadami pa ang bibisitang cruise ship sa lungsod kapag natapos na ang ginagawang cruise ship port.

Ang mga cruise ship ay malaking tulong para tumaas ang tourist arrival. Noong narakaang taon, umabot sa 627,905 ang international at domestic tourist na bumisita sa lungsod, kung saan, sa nasabing bilang ay 457,000 sa mga ito ay domestic tourists. Mas mataas din ang bilang na ito ng tourist arrivals kumpara sa nakalipas na mga taon pagkatapos ng pandemya.

Anim namang cruise ship ang inaasahang darating sa Pebrero, dalawa sa Marso, isa sa Abril at ang iba ay sa Oktubre hanggang Disyembre na. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content