LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Opisyal na inilunsad noong Setyembre 1, 2023, sa pamamagitan ng Press Launch ang 2022 Census of Agriculture and Fisheries (CAF) sa rehiyon ng Mimaropa sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA) Mimaropa.
Ang 2022 CAF ay ika-pitong edisyon mula sa isinasagawang decennial census sa agrikultura, at ika-anim naman para sa sektor pangisdaan simula taong 1903.
Ayon kay PSA Mimaropa Regional Director Leni R. Rioflorido, ang naturang gawain ay bilang suporta at pagtalima sa Proclamation No. 272 na nagtatalaga sa buwan ng Setyembre bilang Agriculture and Fisheries Census Month.
Ayon pa kay Rioflorido, napakahalaga ng naturang gawain upang malaman ang mga mahahalagang datos hinggil sa mga naturang sektor upang makapagsagawa ang pamahalaang nasyunal at lokal na pamahalaan ng mga nararapat na programa at polisiya na tutulong sa mga ito at sa kabuoang ekonomiya ng bansa.
Mensahe naman ng pakikiisa ang ibinahagi ni Oriental Mindoro Vice Governor Ejay Falcon hinggil sa isinagawang aktibidad. Ayon sa bise gobernador, ang ginagampanan na tungkulin ng ahensiya ng PSA ay napakahalaga, sapagkat dito bumabase ang katulad nilang mga namamahala sa paggawa ng mga polisiya na makatutulong sa mga mamamayan. Pinasalamatan din nito ang PSA sa pagbibigay halaga sa mga magsasaka at mangingisda, bilang isang anak na lumaki at nagmula sa mga magulang na ang propesyon ay nasa pagsasaka at pangingisda. Makakaasa aniya ang ahensiya sa buong suporta ng Sangguniang Panlalawigan sa kaniyang pangunguna sa mga hangarin ng ahensiya para sa mga mamamayan ng Mindoro.
Dinadaluhan ang naturang gawain ng mga kawani ng naturang ahensiya, katuwang ang iba’t-ibang kinatawan mula sa agrikultural na sektor at mga mamamahayag ng rehiyon. (JJGS/PIA Mimaropa-OrMin)
Pinangunahan ni PSA MIMAROPA Regional Director Leni R. Rioflorido katuwang ang iba’t-ibang ahensiya at mga media ang Press Launch ng 2022 CAF sa rehiyon. (Larawan ni JJ Sugay)