23 Batangueñong magsasaka, nagtapos sa Kabalikat sa Kabuhayan agri program

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Nagtapos ang may 23 Batangueñong magsasaka mula sa Brgy. Tabangao Ambulong sa ilalim ng Kabalikat sa Kabuhayan on Sustainable Agriculture Program ng SM Foundation Inc.(SMFI) noong ika-21 ng Agosto,2023.

Ang mga nagsipagtapos ay sumailalim sa pagsasanay ukol sa organikong paraan ng pagtatanim at pagsasaka  gayundin din ang kaalaman sa pinakabagong teknolohiya sa agrikultura at pagbebenta ng kanilang mga produkto.

Taong 2007 ng simulan ang KSK-SAP kung saan layon ng founder nitong si Henry “Tatang” Sy na magkaroon ng sustinableng programa na makakatulong  upang maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Naging katuwang ng SMFI sa pagpili ng mga benepisaryo ang Department of Trade and Industry (DTI), City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at Moca Family Farm Learning Center Incorporated na siyang nagkaloob ng kasanayan.

Tumanggap ng TESDA National Certificate (NC) II sa Organic Agriculture Production ang mga nagsipagtapos bilang katibayan na sila ay TESDA passer at qualified sa mga trabaho na papasukan sa Pilipinas man o sa ibang bansa.

Naging tampok din sa programa ang pagbibigay ng pagkakataon na lumahok ang mga nagsipagtapos sa SM Sunday Market upang maibenta ang kanilang mga produkto at ani.

Nagpaabot ng pagbati sa mga nagsipagtapos at sa pamahalaang lungsod si SM Mall manager Gemina Buenaflor sa suportang ipinagkaloob upang maging matagumpay ang programang ito.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga nagsipagtapos sa kanilang natutunang dagdag kaalaman at nangako na magtatanim ng de-kalidad na prutas at gulay alinsabay ng pagpapabuti ng kanilang buhay at pangangalaga sa kalikasan. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City)

In other News
Skip to content