Real estate fair, nagbukas sa Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG, Ilocos Norte (PIA) — Ang kauna-unahang Real Estate Fair Ilocos Norte Exhibit o REFINE ay idinaos sa bayan ng San Nicolas nitong ika-24 hanggang ika-26 ng Nobyembre.

Ang tatlong araw na housing fair ay pinangunahan ng Real Estate Brokers Association Incorporated (REBAP)-Laoag City Chapter sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte.

Tinipon ng fair na ito ang 20 construction companies, mga brokers, realtors, at mga condominium developers upang ipamahagi at ilapit ang kanilang mga serbisyo sa mga Ilokano.

Bukod dito, nagkaroon din ng mga seminar patungkol sa Estate Tax Amnesty ang Bureau of Internal Revenue, proseso ng land conversion mula sa Department of Agrarian Reform, housing loan program ng Pag-IBIG Fund, at patent at residential titling mula sa Department of Environment and Natural Resources.

Ayon kay Gobernador Matthew Marcos Manotoc, ito ay isang hakbang ng lokal na pamahalaan upang i-legitimize ang mga real estate brokers sa probinsya.

“Napakahalaga na dito sa Ilocos Norte, we legitimize ang mga brokers para alam din ng mga buyers kung sino talaga ang mga lehitimo at hindi. This is a big step in making sure na business-friendly ang ating komunidad. We can work together to find land not only para sa ating mga kailian who want to buy but also for our investors and businessmen around the country and internationally in the effort to generate jobs and employment dito sa probinsya,” dagdag ni Manotoc.

Ito ay sinegundahan ni Mary Jane Jacinto, president ng REBAP- Laoag City Chapter.

“Ginawa namin itong program na ito para matipon-tipon ang mga real estate at construction companies, kasama na rin ang mga brokers at realties para mag-exhibit sa atin. Nakipag-tulungan din kami sa PESO para i-conduct ang job fair na nagbukas ng mga job vacancies na mostly sa real estate sector,” saad ni Jacinto.

Sumali sa naturang job fair ang ilang mga lokal na kompanya ng real estate properties, construction companies, marketing corporations, bangko, isang electric corporation, ospital, at security agency.

Ang job fair ay pinangunahan ng Public Employment Service Office o PESO ng Ilocos Norte.

Nasa 2,245 na job vacancies mula sa 25 na employers ang naging bukas para sa mga jobseekers sa probinsya.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsusuri ng PESO sa bilang ng mga hired on the spot (HOTS) sa job fair. (JCR/AMB/EJFG, PIA Ilocos Norte)

Pinangunahan ni Governor Matthew Marcos Manotoc, San Nicolas Vice Mayor Napoleon Hernando, at mga opisyal ng REBAP-Laoag City Chapter ang ribbon cutting ceremony ng Real Estate Fair Ilocos Norte Exhibit (REFINE) nitong Nobiyembre 24.

Nasa 20 na construction companies ang nagtayo ng kani-kanilang booths sa Real Estate Fair Ilocos Norte Exhibit o REFINE na ginanap sa San Nicolas nitong Nobyembre 24-26.

Umabot sa 24 na private employers at government agencies ang sumali sa Job Fair na parte ng Real Estate Fair Ilocos Norte Exhibit o REFINE upang bigyan ng job opportunities ang mga job seekers sa real estate sector.

In other News
Skip to content