SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Dalawampu’t apat na Person with Disabilities (PWDs) mula sa bayan ng Rizal ang sumailalim kamakailan sa pagsasanay sa paggawa ng tocino sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Provincial Office.
Ayon kay Dionalive Abria ng TESDA, ito ay kabilang sa inisyatibo ng ahensya sa pagpapalakas sa mga PWD sa komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay tungo sa pagkakaroon ng hanapbuhay.
“ ‘Yung tocino po ay pwede nilang maibenta dahil available lang naman po ang karne dito sa Rizal kaya ito ang naisip naming ibigay na training para magkaroon sila ng dagdag o pagkakakitaan sa kanilang mga bahay,” bahagi ni Abria.
Naibebenta sa P250 ang kada kilo ng tocino ayon sa pinakahuling price monitoring ng Office of the Provincial Agriculturist.
Naengganyo si Nancy Payo mula sa Brgy. Sto Niño na gumawa ng tocino bilang karagdagang hanapbuhay dahil hindi magiging mabigat para sa kanya ang paggawa ng tocino dahil madali lamang ang proseso nito.
Dagdag niya, isa sa mga prayoridad ng TESDA ang pagbibigay ng serbisyo sa mga PWD kaya ito ang napili nilang bigyan ng espesyal na pagsasanay kasabay ng pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo ng pagkakatatag ng ahensya.
Ibinahagi ni Nancy Payo, isa sa mga lumahok sa pagsasanay, ang kanyang pasasalamat sa kaalamang kaniyang natutunan sa unang beses niyang paglahok sa skills training ng TESDA.
“ ‘Pag nagkapuhunan, balak ko pong gumawa ng tocino para pandagdag kita. Nagpapasalamat po kami sa TESDA. Dahil po sa kanila, nagkaroon po kami ng ganitong pagsasanay at natuto po kami ng paggawa ng tocino,” ani Payo.
Si Payo ay nagtamo ng napakaraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dulot ng isang insidente. Dahil dito, naputol ang kanyang daliri at may mga buto rin siyang napinsala na lumilimita sa kanyang kilos.
Hindi naman naging hadlang ang mga ito upang siya ay makapagsilbi sa kanilang barangay bilang isang tanod. Dagdag ni Payo, hindi rin magiging mabigat para sa kanya ang paggawa ng tocino dahil magaan at madali lamang ang proseso nito.
Ayon kay Abria, patuloy na magbibigay ng karagdagang pagsasanay ang kanilang tanggapan para sa mga PWD upang mabigyan sila ng mas malawak na oportunidad sa paghahanapbuhay.
“Hindi lang ito ‘yung last na training nila dito sa TESDA…Inihahanda po naming mabigyan sila ng Bread and Pastry Production NCII, ‘yon po ay 30 days training para sa kanila. Ito po ay bilang tugon sa kanilang request dahil nagtanong sila kung pwede rin silang maka-avail ng nasabing training,” paliwanag ni Abria.
Nakatanggap ang mga kalahok ng sertipiko mula sa TESDA sa pagtatapos ng kanilang pagsasanay. (DSG/PIA Mimaropa-OccMin)