25 benepisyaryo ng DTI, tumanggap ng livelihood kit


Kabilang sa 25 benepisyaryo ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa ng Department of Trade and Industry, malaki ang pasasalamat ni Joey Bartolome dahil malaking tulong aniya ang P8,000 na ayuda ng gobyerno. (PIA OccMin)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – May 25 mga carinderia sa bayan ng San Jose ang tumanggap kamakailan ng livelihood kit mula sa Panlalawigang Tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI), sa ilalim ng programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG).

Ang mga benepisyaryo ay pinagkalooban ng livelihood kit na nagkakahalaga ng P8,000, at binubuo ng mga gamit sa carinderia tulad ng mantika, bigas at iba pa.

Sa mensahe sa seremonya ng pamamahagi, sinabi ni OIC-Provincial Director Nornita Guerrero na nais ng kanilang tanggapan na makatulong upang muling sumigla ang negosyo ng mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng mga kalamidad, tulad ng pandemya. Ayon sa opisyal, sa pamamagitan ng DTI-PPG, may mga materyales na muling pagsisimulan ang mga benepisyaryo.

Kaugnay nito, ipinaalala rin ni Guerrero sa mga MSME na sa pagnenegosyo lamang dapat gamitin ang ipinamahagi nilang livelihood kit upang magtagumpay ang layunin ng programa.

Lubos naman ang naging pasasalamat sa DTI-PPG ni Joey Bartolome, isang benepisyaryo mula sa Brgy. Bagong Sikat, San Jose. Saad ni Bartolome, malaking tulong sa kanila ang natanggap na livelihood kit dahil sa tulad niyang may maliit na carinderia, malaking halaga ang P8,000 ayuda ng pamahalaan.

Nagpahayag din ng pasasalamat sa DTI si Julieta Mediadero ng SJAES Eatery ng Brgy. San Roque. Ayon kay Mediadero, sisikapin nilang higit pang umunlad ang kanilang negosyo gamit ang ipinagkaloob na tulong ng pamahalaan. (VND/PIA Mimaropa-OccMin)

In other News
Skip to content