GASAN, Marinduque (PIA) — Nasa 250 mga lolo at lola mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Gasan ang nabigyan ng libreng salamin sa mata na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Gasan Rural Health Unit.
Ang pagkakaloob ng nasabing ‘eye glasses’ ay bahagi ng paghahatid serbisyo ni Mayor Rolando Tolentino makalipas ang kanyang isang taong panunungkulan na isinabay din sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Ayon kay Tolentino, tinutupad lamang niya ang kanyang mga pangako para sa mga senior citizen na mabigyan ang mga ito ng maayos at disenteng pamumuhay lalong lalo na ang mga matatandang higit na nangangailangan.
Samantala, namahagi rin ng iba’t ibang buto ng gulay ang Municipal Agriculture Office para may maitanim sa kani-kanilang bakuran ang mga benepisyaryo. (RAMJR/ANKDA/PIA Mimaropa-Marinduque)