2,500 magsasaka target ng School-on-the-Air Program ng ATI Mimaropa

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — May 2,500 na magsasaka sa buong probinsya ang nais ng Agricultural Training Institute (ATI) Mimaropa na mai-enroll sa School-on-the-Air on Smart Rice Agriculture (SOA-SRA).

Ang SOA-SRA ay programa ng ATI na may layong turuan ang mga magsasaka hinggil sa mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka ng palay, sa pamamagitan ng radyo, at pati na rin ang social media.

Sa consultative meeting na pinangunahan ng ATI kahapon ay ipinaliwanag ni Erlan Pasana, Information Officer ng nabanggit na tanggapan, na may kabuuang target na 10,000 magsasaka sa bawat rehiyon ang programa. Sa kasalukuyan, wala pang 5,000 magsasaka ang nakasama na sa programa kaya tinatayang aabutin pa ng ilang taon ang SOA-SRA bago tuluyang maabot ang nasabing target. “Ang programang SOA-SRA ay tulong din ng ATI sa ating mga Agricultural Extension Workers (AEW). Napapadali ng programa ang paghahatid sa ating mga magsasaka ng mga kailangan nilang impormasyon,” ani Pasana.


Pinangungunahan nina Erlan Pasana (kanan) at Mark Jayson Alcobera (kaliwa), parehong kawani ng Agricultural Training Institute Mimaropa, ang consultative meeting hinggil sa School-on-the-air on Smart Rice Agriculture. (VND/PIA OccMdo)

Sa programang nabanggit ay may malaking papel na gagampanan ang Lokal na Pamahalaan (LGU), lalo na ang Municipal Agriculturist Office (MAO). Ayon kay Pasana, bukod sa pagtukoy sa mga magiging benepisyaryo ng programa, kailangang tiyakin ng LGU na makikinig sa radyo at sasali ang mga partisipanteng magsasaka sa iba’t ibang aktibidad ng school-on-the-air. Dagdag pa ni Pasana, dahil maihahambing ito sa school setting, bahagi ng programa ang pretest, short quiz, long exam at posttest para sa mga mag-aaral o partisipante.

Ang 2023 SOA-SRA ay binubuo ng 25 episodes na mapapakinggan sa mga lokal na himpilan ng radyo sa San Jose, Sablayan at Mamburao. Inaasahang magsisimula ito sa buwan ng Abril hanggang Mayo 2023. Katuwang ng ATI sa implementasyon ng programa ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Department of Agriculture Mimaropa, Occidental Mindoro State College, Philippine Information Agency, mga pamahalaang lokal sa probinsya, at mga community radio station. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content