LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Mahigit 2,500 mga kalalakihan mula sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan ng Quezon at mga ahensiya ng pamahalaang lokal at nasyonal ang inaasahang dadalo sa Men’s Day sa Quezon Convention Center, Lucena City sa Disyembre 1, bilang pakikiisa sa “18-Day Campaign to End VAWC”.
Ayon kay Sefrey Potestades ng Provincial Gender and Development Office-Quezon, ang mga dadalong kalalakihan ay pawang mga miyembro ng Men Opposed to Violence Against Women and Children Everywhere (MOVE) sa kani-kanilang bayan.
Idaraos ang isang motorcade na magsisimula sa Quezon Premiere Hotel, Diversion Road, Lucena City patungong Quezon Convention Center.
Itatampok sa programa ang presentasyon ng mga kandidato para sa Ginoong MOVE 2023, oryentasyon ukol sa Republic Act 11313 o ang Safe Spaces Act mula sa Public Attorneys Office, at ang pagdaraos ng No to VAWC Tiktok Challenge.
Magiging panauhing tagapagsalita sa nasabing okasyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Director Engr. Ronel Tan.
Hinikayat ang mga dadalong kalalakihan na makiisa sa gagawing pagpili ng “Ginoong MOVE 2023” bilang pakikiisa at pag-suporta sa “18 Day Campaign to End VAWC” o kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at mga kabataan.
Ayon sa mga organizer, kailangang magpakita ng kanilang angking talino at makasagot sa mga tanong upang manalo sa kompetisyon.
Samantala, ang mga kalahok naman sa No to VAWC Tiktok Challenge ay magtatagisan ng galing sa pagsayaw, pag-awit o pag-arte na may kaugnayan sa kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at kabataan.
Nanawagan naman si Bernie Torno, pangulo ng MOVE-Quezon sa mga mga ahensiya ng pamahalaan at maging sa mga miyembro ng MOVE sa mga bayan sa lalawigan ng Quezon na patuloy na makiisa sa nasabing mga aktibidad upang mapapaigting pa ang kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at kabataan sa lalawigan. (Ruel Orinday-PIA Quezon)