IBA, Zambales (PIA) — May 26 mangingisda sa Zambales ang tumanggap ng mga kagamitan para sa pagkumpuni ng makinang pangisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ang pamamahagi ay isinagawa bilang bahagi ng ginanap na Small Engine Servicing Training kasama ang Aurora State College of Technology.
Ayon kay BFAR Provincial Fisheries Officer Neil Encinares, layunin nito na mabigyan ng kakayahan ang mga mangingisda na ayusin ang kanilang sariling mga makina upang hindi na sila dumaan sa magastos at matagal na proseso ng pagpapa-kumpuni sa mga shop.
Dagdag pa niya, maaari rin nilang gawing alternatibong kabuhayan ang pagkumpuni at pagpapanatili ng mga makina ng kanilang kapwa mangingisda sa komunidad.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa mga bayan ng Iba, Botolan at Cabangan. Kabilang sa kanilang natanggap ay impact wrench, socket wrench set, feeler gauge, ring piler, at piston ring compressor.
Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng mga inisyatibo ng BFAR upang matulungan ang maliliit na mangingisda sa pagpapalakas ng kanilang hanapbuhay at mapanatili ang seguridad sa kanilang pinagkakakitaan. (CLJD/RGP, PIA Region 3-Zambales)