261 barangay sa Bicol tatanggap ng P6.6 milyon bawat isa mula sa NTF-Elcac

LUNGSOD NG LEGAZPI, Albay (PIA) — Eksaktong 261 na barangays sa rehiyon ng Bicol ang magbebenepisyo sa mga pangunahing proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng Support to the Barangay Development Program (SBDP) bilang bahagi ng pagpapatupad ng mga programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC alinsunod sa Executive Order 70 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government Region 5 ( DILG 5), ang bawat barangay na kabilang sa 261 na napaglaanan ng  pondo mula sa SBDP fund ay magkakaroon ng mga proyekto sa kanilang barangay na may kabuuang halaga na P6,606,882.17.

Sa inaprobahang pondo ng kongreso para sa SBDP sa bansa ngayong 2023, ang Bicol region ay may kabuuang P1.72 bilyon na pondo para sa mga pangunahing mga proyekto sa mga napiling mga barangay.

Nangunguna sa listahan ng mga proyekto ng SBDP sa mga barangay sa Bicol ang farm-to-market  roads na aabot sa 195 na projects o 37% ng kabuuang pondo at 25% naman ay para sa ipapatayong 129 na water and sanitation facilities.

May 76 health stations ang maipapatayo sa mga barangay at ito ay nasa 14% ng ponding inilaan. Magiging maliwanag ang gabi sa mga barangay na benepisyaryo ng 75 rural electrification projects na kumakatawan sa 14% ng pondong inilaan sa SBDP 2023.

Matutugunan din ang mga suliranin sa mga silid aralan ng mga batang mag-aaral sa mga napiling mga benipisyaryo ng SBDP 2023 dahil magpapatayo ng karagdagang 55 na mga silid aralan na kumakatawan sa 10% ng pondong inilaan.

Ayon sa DILG-5, eksaktong 526 na proyekto sa 261 na mga barangays sa Bicol ang pinondohan ng SBDP 2023.  Hinihiling ng DILG-5  sa mga local na pamahalaan na tulungan ang mga barangay sa pagpapatupad ng naturang mga proyekto sa kanilang lugar ngayong taon. (PIA-5)

In other News
Skip to content