28 nagbalik-loob, tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Dalawampu’t walong (28) mga nagbalik-loob sa pamahalaan ang tumanggap kamakailan ng tulong pinansiyal mula sa lalawigan ng Palawan.

Noong Mayo 31, 2023 ay ipinagkaloob na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang tulong pinansiyal na may kabuuang halaga na P1.8 Milyon para sa 25 mga rebelde.

Ang nasabing tulong pinansiyal ay sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o (E-CLIP).

Samantala, maliban sa E-CLIP ay mayroon ding tatlo pang dating mga rebelde ang nabigyan naman ng tulong pinansiyal na tig-P25,000.00 mula sa Local Social Integration Program (LSIP) ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ang pamamahagi ng tulong pinansiyal ay magkatuwang na isinagawa ng DILG sa pangunguna ni DILG-Mimaropa Assistant Regional Director Engr. Rey S. Maranan at ng pamahalaang lokal sa pangunguna nina Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña at Executive Assistant III Christian Albert S. Miguel.

Naging saksi sina PLTCOL Eldie Bantal ng PNP-Palawan Provincial Police Office, DILG-Palawan Provincial Director Virgilio L. Tagle, 3rd Marine Brigade Commander Col. Antonio G. Mangoroban Jr., at Soccoro S. Tan ng Civil Society Organization na St. Vincent de Paul.

Sa naging mensahe ni Maranan, pinasalamatan niya ang mga dating rebelde sa kanilang desisyon na magbalik-loob sa gobyerno at maging bahagi ng isang matiwasay at panatag na pamayanan.

Sinabi rin niya sa mga dating rebelde na ang halaga na matatanggap nila mula sa E-CLIP ay para sa kanilang pagsisimulang muli ng isang matiwasay at panatag na buhay. Layunin ng programang E-CLIP ay ang maibalik, mabigyan ng maayos at matiwasay na pamumuhay ang nagbabalik-loob sa pamahalaan.

Pinasalamatan din ni Maranan ang lahat ng mga katuwang ng pamahalaan upang maisulong ang kapayapaan sa lalawigan. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)


Ang isinagawang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga dating rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) sa pangunguna ng DILG kamakailan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

In other News
Skip to content