2nd Junior Rescue Olympics, naisagawa sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Naisagawa ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Palawan ang 2nd Junior Rescue Olympics sa lungsod noong Hunyo 20-21.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival 2023.

Taglay ang tapang at talino, husay at estratehiya, dedikasyon at pagkakaisa ng mga kabataang buo ang loob na harapin ang bawat hamon ay nagtagisan ang mga kabataan mula sa iba’t-ibang munisipyo ng lalawigan upang irepresenta ang kanilang bayan sa 2nd Junior Rescue Olympics.

Limang (5) mga munisipyo na kinabibilangan ng Rizal, Bataraza, Narra, Aborlan at Brooke’s Point ang lumahok sa nasabing paligsahan na sinuportahan ng kani-kanilang mga Municipal DRRMO.

Ang bawat team ay binubuo ng 10 miyembro kung saan pito sa mga ito ang nagsilbing responders, dalawa naman ang main responders at isang coach. Ang mga kalahok ay mga Junior at Senior High School student ng nabanggit na mga bayan.

Matapos ang dalawang araw na paligsahan ay nakuha ng Junior Rescue Team ng bayan ng Brooke’s Point ang kampeonato na nagwagi ng P30,000 habang 1st runner up naman ang bayan ng Narra na pinagkalooban ng P20,000; 2nd runner up ang Bataraza na tumanggap ng P10,000; 3rd runner up naman ang Rizal, at 4th runner up ang Aborlan na pinagkalooban ng consolation prizes.

Nakuha naman ng koponan ng Narra ang mga special award sa Kategoryang Hazard Assessment, High Angle Station, Knot Tying Station at First Aid Station. Ang bayan ng Bataraza naman ang nakakuha ng special award sa Basic Life Support Category at Best in Uniform; at ang Brooke’s Point naman sa Fire Fighting Station Category.

Pinagkalooban ng sertipiko ang lahat ng lumahok at binigyan din ng portable generator sets ang limang MDDRMOs na nakiisa sa 2nd Junior Olympics. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)


Nagpakitang gilas ang mga kabataang na kalahok sa 2nd Junior Rescue Olympics na isinagawa sa PDRRMO-Palawan Headquarters kamakailan. (Mga larawan sa itaas at sa ibaba ay mula sa PDRRMO-Palawan)

In other News
Skip to content