3 MSMEs, posibleng pumatok sa pandaigdigang merkado – DTI Occ Mdo

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Kinilala kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) Occidental Mindoro ang tatlong micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maaaring makapasok at tangkilikin sa international market.

Ayon kay DTI Occ Mdo OIC-provincial director Nornita Guerrero sa isang panayam, ang mga MSMEs na ito ay ang San Jose Vendors Multi-purpose Cooperative (SJVMPC), Danizon Farm, at Laudland Cares Cacao Farmer Association (CCFA) 89, Inc. na pawang may kakayahang makipagsabayan sa pandaigdigang pamilihan dahil mataas na kalidad ng mga produkto at may mga sariling pasilidad.

Kwento ni Guerrero, hindi matatawaran ang sarap ng longganisa ng bayan ng San Jose na isa sa mga produkto ng SJVMPC.

“Ang San Jose Vendors ay benepisyaryo ng DTI sa Shared Service Facility on Meat Processing,” sabi ni Guerrero.

Dagdag pa niya na patuloy din na nag-aaral at nagsasanay ang Kooperatiba upang makagawa ng iba pang mga produkto bilang karagdagan sa kanilang mga processed meat na mabenta sa mga local consumer.

Bukod sa longganisa, mataas din ang demand sa SJVMPC pork and chicken siomai, pork tocino at samgyupsal honey lemon flavored.

Ang isa pang MSME na maraming produktong maipagmamalaki ay ang Danizon Farms na pag-aari ni Ginoong Danilo Hizon.

Ayon kay Guerrero, malaking bentahe ng mga ibinebentang food items ng Danizon Farms ay mismong galing sa sariling organic farm ang mga raw materials na ginagamit sa produksyon ng iba’t iba nitong produkto.

Kabilang dito ang fruit vinegar, honey vinegar, turmeric at ginger tea at marami pang iba.

“Mahalaga kasi na ang produkto mo ay hindi madaling masira, madaling ibyahe at subok na sa international market,” saad ni Guerrero.

Ganito din daw ang Laudland CCFA na gumagawa naman ng tablea at tsokolate na malaki ang demand ngayon sa ibayong dagat.

Sinabi pa ng opisyal ng DTI na may malawak na taniman ng cacao ang Laudland CCFA at may modernong pasilidad upang makagawa ng maraming produkto.

Sa katunayan, ang nasabing samahan ay isa ring benepisyaryo ng kanilang programang Shared Service Facility (SSF) at sumailalim na sa mga pagsasanay sa paggawa ng kanilang mga ibinebentang produkto, ayon sa kanya.

Una nang nabanggit ni Guerrero sa Philippine Information Agency (PIA) na malaki ang pinsalang tinamo ng business sector sa pandemya.

Ayon sa kanya, nagsisimula pa lang ngayon na muling makabangon ang mga negosyo sa lalawigan, lalo na ang mga MSME, at malaki ang maitutulong ng mga mamimili kung masiglang tatangkilikin ng mga ito ang locally-produced products. (VND/PIA Occidental Mindoro)


Ceremonial turn-over at paglulunsad ng Shared Service Facility-Cacao Processing Project ng Department of Trade and Industry OccMDo sa Laudland Cares Cacao Farmers Association. (DTI OccMdo)

In other News
Skip to content