3 pasyalan sa San Juan, idineklara bilang kauna-unahang smoke-free parks sa NCR

LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Idineklara ng Metro Manila Development Authority (MMDA) bilang kauna-unahang smoke-free parks ang tatlong pasyalan sa San Juan kamakailan.

Sa ginanap na seremonya sa San Juan City Hall sa pangunguna nina MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana at San Juan City Mayor Francis Zamora, idineklarang smoke-free parks ang Pinaglabanan Shrine, San Juan Mini-Park, at El Polvorin Linear Park.

Sa pamamagitan ng mga smoke-free parks, mas mapoprotektahan ang mga kabataan laban sa paninigarilyo o paggamit ng vape at maging sa secondhand smoke sa mga open spaces.

Ayon kay GM Lipana, susuporta at tutulong ang MMDA sa pagpapalaganap at pagdaragdag ng smoke-free parks para sa ikabubuti ng kalusugan ng mamamayan.

Nagpasalamat naman si Mayor Zamora sa MMDA sa mga ginagawa ng ahensiya upang mapanatiling smoke-free ang mga parke sa kanilang lungsod gayundin sa pagsasaayos ng El Polvorin Park na bahagi ng Adopt-A-Park project ng ahensiya. (pia-ncr)

In other News
Skip to content