30 pulis na sumailalim sa police internal cleansing program sa Mimaropa, nagtapos na

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagtapos na ang 30 pulis na sumailalim sa seminar ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa sa ginanap na pitong araw na ‘Focused Reformation/Reorientation and Moral Enhancement for Police Officers in Line with Internal Cleansing Efforts’ (FORM POLICE) sa pamamagitan ng pagsasara ng seremonya na pinangunahan ni Regional Director, PBGen. Joel B. Doria na isinagawa sa Hinirang Hall ng PRO Mimaropa sa lungsod ng Calapan noong Agosto 18.

Sa mensahe ni Doria, sinabi nito na “ang karakter at kakayahan ng isang tao ay masusukat sa kanilang mga gawa. Ito ay sa pamamagitan ng may disiplinang pag-uugali upang muli nating maipakita at iparamdam ang tiwala ng taong bayan sa mga tauhan ng Philippine National Police.”

Sinabi pa ng direktor na kompiyansa siya na ang mga natutunan at pananaw na kanilang pinagdaanan sa seminar ay hindi lamang maibabahagi sa kanilang paglago bagkus palalakasin pa nito ang tiwala ng taongbayan sa samahan ng kapulisan.

Pinaalalahanan pa niya ang 30 pulis na ang kanilang responsibilidad at dapat bitbit nila sa kanilang tungkulin ay ang dignidad at respeto sa ibang tao habang suot ang uniporme at tsapa ng PNP.

Sa ulat pa ni Doria, mula 2016 ay nakapagtala ang PRO Mimaropa ng kabuuang 1,310 na mga tauhan ng PNP na may administratibong kaso.

Samantala, kaagapay sa programang ito na nagsilbing Spiritual Director si Rev. Fr. Richard Rodriguez na siya din panauhing tagapagsalita sa nasabing aktibidad at ang Life Coach na si Pastor Hernando ‘Ding’ Pama na kung saan ibinahagi nito na sa pamamagitan ng pag ngiti ay nararamdaman ng mamamayan ang tunay na pagbabago sa hanay ng kapulisan.

Ang programang FORM police ay isang personnel transformation, moral recovery at reorientation intervention program na siyang bahagi ng restorative approach ng PNP na ang layunin ay maitanim at payabungin ang disiplina, karakter, kakayahan at parusahan ang mga tauhan na hindi magandang ang pag-uugali. (DN/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)


Pinangaralan ni PRO Mimaropa Regional Director, PBGen Joel B. Doria (kaliwa) ang 30 pulis (kanan) na nagtapos sa 7-day Focused Reformation/Reorientation and Moral Enhancement for Police Officers in Line with Internal Cleansing Efforts (FORM POLICE) na pag ibayuhin na nila ang kanilang pag uugali at paglingkuran ng tapat na may respeto ang taong bayan. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-Mimaropa/OrMin)

In other News
Skip to content