3,000 benepisyaryo sa Occidental Mindoro, target tulungan ng DSWD-AKAP

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nilalayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ng ayuda ang may 3,000 na indibidwal sa probinsya sa pamamagitan ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), ayon sa DSWD Occidental Mindoro.

Sinabi ni Shiela Sarabia, Social Welfare and Development Team Leader, na ang AKAP ay nagbibigay ng tulong sa mga minimum wage earner gayundin sa mga seasonal worker na kinabibilangan ng mga laborer, construction worker, katulong sa pagsasaka, at iba pa. Tatanggap bawat isang benepisyaryo ng halagang P3,000.

Ayon kay Sarabia, madalas na ang mga nabanggit na manggagawa ay apektado ng pabago-bagong kalagayan ng ekonomiya at nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan.

Bukod sa pagiging minimum wage earner, pinili ng DSWD na matulungan ang mga manggagawang ang anak ay pumapasok sa senior high school.

“Ang AKAP ay isang espesyal na programa sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), na nagbibigay ng tulong medikal, pampalibing, transportasyon pinansyal, pagkain, at edukasyon” saad ni Sarabia.

Ayon kay Rhodora Gomez ng bayan ng San Jose na benepisyaryo ng programa, malaking tulong sa kanila ang halagang natanggap, magagamit ito sa pangangailangan sa paaralan ng kanilang anak na si Linjoseph, 16 taong gulang at mag-aaral sa Mapaya National High School.

Sinabi ni Gomez na sa kabila ng hirap at maliit na kita sa pagsasaka, sinisikap nilang mag-asawa na mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang nag-iisang anak upang magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.

Ayon pa sa kanya, nais ng kanyang anak na makapagtrabaho sa ibang bansa at pangarap nitong maiahon ang mga magulang sa kahirapan. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content