LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Bukas pa ang may 4,700 na mga trabaho na iniaalok ng nasa 55 na local employers sa pagsasara ng Singkaban Jobs and Livelihood Fair na ginanap sa lungsod ng Malolos.
Ito’y matapos agad na matanggap sa trabaho bilang mga hired-on-the-spot ang 34 na aplikante.
Sinabi ni DOLE Bulacan Field Office Head May Lynn Gozun na kabilang sa mga iniaalok na trabaho ay nasa sektor ng accounting and finance, baking, retail, trading, electrical, manufacturing, livestock, management, information and communications technology, logistics, health care and wellness, transportation, infrastructure, at tourism.
Pinayuhan ni Gozun ang mga interesado na para maaplayan ito, kailangang makipag-ugnayan lamang sa Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office na nasa Blas Ople Livelihood Center sa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos.
Maaari ring magpunta sa mga lokal na tanggapan ng Public Employment Service Office sa mga bayan at lungsod.
Sinabi naman ni DOLE Regional Director Geraldine Panlilio na ang mga natanggap at matatanggap pa sa trabaho mula sa job fair na ito, ay potensiyal na makikinabang sa posibleng pagtataas ng sahod sa Gitnang Luzon.
Nagsimula na aniyang magpulong at magsagawa ng konsultasyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board. Isa itong proseso upang makuha ang panig ng mga manggagawa at employers hinggil sa panukalang pagtataas sa sahod. (CLJD/SFV-PIA 3)
Nasa 34 ang hired-on-the-spot sa isinagawang Singkaban Jobs and Livelihood Fair sa lungsod ng Malolos. (Shane F. Velasco/PIA 3)