CALAPAN CITY, Oriental Mindoro (PIA) — Aabot sa 35 na law violators ang nahuli ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa katuwang ang mga Provincial Offices sa isinagawang 3 araw na anti-crime drive noong Setyembre 28 hanggang 30.
Kaugnay nito, apat sa mga nahuli ay nabibilang sa most wanted persons. Nasa limang katao naman ang nahuli sa isinagawang magkakahiwalay na drug operations, kung saan nakulimbat ang 8.68 na gramo ng shabu at 13 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na P172,372. Samantala, nasa apat na indibidwal naman ang nahuli na may kaugnayan sa iligal na pagsusugal.
Ayon sa Regional Investigation and Detection Management Division, bumaba ang kriminalidad sa rehiyon ng 20.15%, kumpara noong nakaraang taon.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni PRO Mimaropa Regional Director PBGen. Joel B. Doria sa lahat ng mga pulis na nagtulung-tulong upang maging matagumpay ang gawain. Aniya, ang kanilang dedikasyon sa trabaho ay isa sa mga susi upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Hinimok din ni Doria na suportahan ang ‘Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan’ o BIDA program ng Pamahalaan na aniya ay bahagi ng 5-point agenda ni Chief PNP Gen. Benjamin C. Acorda, Jr. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)