37% pagtaas sa singil sa kuryente sa OccMdo, mararamdaman sa September billing


Sa datos na ipinakita ng OMECO, ang konsumer na kumukonsumo ng 50 kilowatt per hour (kWh) ay madadagdagan ng Php 225.43 sa kanilang electric bill (Larawan mula sa OMECO IEC).

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Makakaramdam ang mga residente ng Occidental Mindoro ng aabot sa 37% na pagtaas sa singil sa kuryente sa darating na September billing ayon sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) dahil sa pagpasok nito sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) nitong ika-25 ng Hulyo, 2023.

Ipinaliwanag ng OMECO sa kanilang programa sa radyo kamakailan na ang pagpasok nito sa EPSA ay upang magkaroon ng agarang solusyon sa magiging kakulangan sa suplay ng kuryente bunsod ng hindi pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) na mabigyan ng Provisional Authority to Operate ang SAMARICA plant ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) na siyang supplier ng kuryente sa probinsya.

“According to [National Electrification Administration] Admin Almeda, nag-usap na po sila ni ERC Chair na hindi maaaprubahan ang SAMARICA [plant]. Ibig sabihin po, hindi mabibigyan ng Provisional Authority to Operate [ito]…May tatlong component kasi ang SAMARICA [plant] na solar, diesel, at bunker [at] sa ngayon, bunker lang ang available. Ang solar at diesel [component] ay ongoing pa ang construction,” bahagi ni OMECO Information Specialist Mary Grace Dagdagan.

Sa ilalim ng EPSA, ang kuryenteng manggagaling sa SAMARICA plant ng OMCPC ay babayaran ng mga member-consumer owner (MCO) sa kabuuang halaga nito o True Cost Generation Rate (TCGR), dahil hindi sakop ng subsidiya ng pamahalaan ang EPSA. Ito ay aabot ng P16.67 hanggang P20.70 kada kilowatt hour (kWh) base sa P53.57 halaga ng krudo.

Sa datos ng OMECO, mas mababa ang magiging singil sa kuryente na aabot sa P16.6748 kada kilowatt hour (kWh), kung 100% na mapapatakbo ang Sablayan at MAPSA plant ng OMCPC, katuwang ang Pag-asa Grain Center o PGCI.

“Kailangan natin i-maximize ang dalawang planta natin (Sablayan at Mamburao) na subsidized with [PGCI] sana. Maganda ito kasi…mas mababa yung madidispatch [na kuryente mula sa] SAMARICA [plant]…para makatulong na makapagpababa sa rates natin,” paliwanag ni Dagdagan.

Upang matulungan ang mga consumer na mapababa ang kanilang electric bill, hinikayat ng OMECO na mag-apply sa lifeline rate program, partikular ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kumukonsumo ng 20 kWh pababa.

“Magtipid po tayo ng kuryente. Maging wais sa paggamit ng ating kuryente,” paalala ni Dagdagan.

Sa kasalukuyan, wala pang ulat kung hanggang kalian tatagal ang EPSA. Matatandaang pinaandar ang SAMARICA plant nitong Abril sa kabila ng mga pending permit nito upang masolusyonan ang power crisis na nararanasan ng probinsya sa unang bahagi ng taon sa utos ni NEA Admin Almeda sa basbas ng ERC. (DSG/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content