Libo-libong San Joseño ang dumagsa sa isinagawang job fair na nag-aalok ng may 4,500 job opening para sa Taiwan na handog ng Department of Migrant Workers at Manila Economic and Cultural Office. (SJDM CIO)
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE (PIA) — Aabot sa 4,500 na mga trabaho sa Taiwan ang iniaalok para sa mga mamamayan ng lungsod ng San Jose Del Monte sa lalawigan ng Bulacan.
Kabilang sa mga binuksang trabaho pagiging manggagawa sa mga pabrika ng semiconductors at e-chips kung saan kilala ang Taiwan bilang isang powerhouse sa larangang ito.
Ayon kay Public Service Employment Service Head Perfecto Jaime Tagalog, importante ang mga partnership sa iba’t ibang international companies dahil maraming skilled at documented na manggagawa mula sa lungsod ang mabibiyayaan.
Malaking bagay itong job fair dahil hindi na luluwas pa ang mga San Joseño sa paghahanap ng trabaho at bawas pa sa kanilang gastusin.
“Every year ay may ginagawa tayong employers’ Summit at dito tinitingnan natin kung ano ang skills na meron tayong maibibigay sa mga partner employers,” dagdag pa ni Tagalog.
Bukod sa pagbubukas ng nasabing mga oportunidad, tinitiyak din ng Department of Migrant Workers na walang makakapagsamantalang mga illegal recruiter dahil direct hiring ito na ginagawa ng Manila Economic and Cultural Office.
Wala ring babayaran ang mga aplikante mula sa pagpoproseso, medical examination, at deployment. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)