400 mag-aaral sa Dinalupihan, nakibahagi sa Climate Change Forum

DINALUPIHAN, Bataan (PIA) — Nasa 400 mag-aaral sa sekondarya ng University of Nueva Caceres o UNC Bataan ang nakibahagi sa Forum on Climate Innovations and Enhanced Community Engagement ng Climate Change Commission o CCC.

Dito ay binigyang diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng usapin ukol sa nagbabagong panahon sapagkat ito ay hindi lamang problema ng mga siyentipiko at mga nanunungkulan ngunit problema rin ng buong bansa.

Ibinahagi ni CCC Commissioner Albert Dela Cruz Sr. na ang bansa ay nangunguna sa listahan ng World Risk Index 2022 kung saan vulnerable ito sa mga natural na kalamidad at mga sakunang dulot ng climate change pati na rin ang pagiging contributor sa ocean plastic pollution.

Dagdag pa niya, mahalaga na nalalaman at kaisa ng bawat mamamayan partikular na ang kabataan sa usaping climate change nang makamit ang iisang misyon na mailigtas ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalikasan.

Bukod dito, pinuri rin niya ang hakbang ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan ukol sa pagkakaroon ng mga electric vehicles upang makatulong sa pagbawas ng carbon emission na makabubuti sa kalikasan.

Gayundin, sinabi naman ni UNC Bataan Administrator Ruzzel Brian Mallari na trabaho ng bawat isa na ihanda ang bukas para sa mga susunod na henerasyon kung kaya’t napakahalaga na kasama ang mga kabataan sa usaping ito.

Ibinahagi rin niya ang mga hakbang na ginagawa at gagawin pa ng kanilang paaralan upang makatulong sa pagbawas sa epekto ng polusyon at climate change.

Ito ay pagkabit ng mga solar panels upang magkaroon ng renewable energy source; patuloy na pagkakaroon ng mga forums at usapin ukol sa climate change nang sa gayon ay patuloy na maintindihan ng mga mag-aaral ang halaga at epekto nito; at pagsulong ng paggamit ng mga bisikleta sa pagpasok ng paaralan lalo na sa mga may malalapit na bahay lamang upang maiwasan ang carbon emission. (CLJD/CASB-PIA 3)

Nasa 400 mag-aaral sa sekondarya ng University of Nueva Caceres Bataan ang nakibahagi sa Forum on Climate Innovations and Enhanced Community Engagement ng Climate Change Commission. (Camille Anne S. Bartolome/PIA 3)

In other News
Skip to content