BOAC, Marinduque (PIA) — Nasa 42 indibidwal ang boluntaryong nagbahagi ng dugo sa Mobile Blood Donation activity na inorganisa ng Boac Municipal Health Office (MHO) katuwang ang Provincial Health Office (PHO) at Marinduque Blood Council kasabay ng pagdiriwang ng World Blood Donor’s Month.
Ayon kay Dr. Juliean Real Malubag-Muhi, rural health physician ng MHO, malaking tulong ang nakalap na mga dugo sa nasabing bloodletting drive sapagkat kapag natapos na ang mga itong suriin ay maaari nang isalin o ibigay sa mga pasyenteng nangangailangan sa Marinduque Provincial Hospital.
Dagdag pa ni Malubag-Muhi, ang pagbabahagi ng dugo ay may magandang epekto hindi lamang sa makatatanggap nito bagkus ay sa mismong indibidwal na nag-donate sapagkat bagong dugo na ang mananalaytay sa kanyang katawan.
“Kailangan po nating magdonate ng dugo para ma-replenish o mapalitan ang dugo sa ating katawan. Tinitiyak ko na ito ay ligtas at ini-rerekomenda po namin na gawin ang pagbabahagi ng dugo kada ikatlong buwan,” saad ng rural health physician.
Naging masaya ang mga volunteer-donor dahil sa cinema experience na may kasama pang popcorn na inihanda ng MHO at Municipal Nutrition Office para maging komportable ang mga kinokolektahan ng dugo habang nagbigay ng dental kits ang mga opisyal ng Philippine Dental Association (PDA) Marinduque.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga nag-organisa sa lahat ng mga boluntaryo na tumulong, sumuporta at nagbigay ng dugo sa Mobile Blood Donation Activity na nagmula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno katulad ng Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, Philippine Coast Guard Auxiliary-510th Squadron Marinduque, Department of Health at iba pa. (RAMJR/AMKDA/PIA MIMAROPA – Marinduque)