LUNGSOD NG LIPA, Batangas (PIA)—Matagumpay ang isinagawa Blood Olympics sa Claro M. Recto Events Center sa Lungsod ng Lipa noong ika-17 ng Enero.
May temang “Donating blood is an Act of Solidarity: Join the effort and Save lives” ang naturang aktibidad na isa sa bahagi ng pagdiriwang ng kapiyestahan ng lungsod ng Lipa sa darating na Enero 20, 2023.
Layon din nitong patuloy na makakalap ng sapat na dami ng dugo na magagamit partikular ang mga kababayang may sakit o nangangailangan.
Ito ay pinangunahan ng Provincial Blood Council at nilahukan ng iba’t-ibang mga ahensya tulad ng lokal na pamahalaan ng Lipa, Philippine National Red Cross (PNRC); Armed Forces of the Phils. (AFP); Philippine National Police (PNP); Bureau of Jail Management and Penology (BJMP); NL Villa Memorial Medical Center; Batangas Medical Center; Lipa City District Hospital;Cancer Warriors Foundation at; iba pang samahan at indibidwal.
Sa kabuoan ay nakakalap ng 423 na bags ng dugo ang naturang aktibidad kung saan may mga donors na hindi tinanggap dahilan sa ilang requirements tulad ng kakulangan sa timbang, pag-inom ng alak bago ang nakatakdang oras ng pagdonate ng dugo, kakulangan sa tulog,pagkakaroon ng ubo at sipon at iba pa.
Ang Lungsod ng Lipa ay isa sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na masigasig sa kanilang kampanya sa pagkakaloob ng dugo kung kaya’t ito ay kabilang sa mga nabibigyan ng pagkilala ng Provincial Blood Council noong mga nakaraang taon. (MDC/PIA-Batangas)