43 MSMEs ng Occidental Mindoro, pinagkalooban ng mga gamit sa hanapbuhay ng DTI

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Umabot sa 43 na negosyo sa bayan ng Sablayan ang pinagkalooban ng Department of Trade and Industry (DTI) ng mga kagamitan pang-hanapbuhay noong Pebrero 5sa ilalim ng programang Negosyo Serbisyo sa Barangay (NSB).

Ayon kay DTI Occidental Mindoro Provincial Director Noel Flores, layunin ng NSB na suportahan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyong pang negosyo.

Kwalipikado sa programa ang mga micro entrepreneurs na may asset size na hindi hihigit sa ₱3 milyon, at tinitiyak ng DTI na dumaan sa masusing pagsusuri ang mga ito bago isama sa programa.

“Sa NSB program, matapos matiyak na kwalipikado ang mga benepisyaryo, isinasailalim muna sila sa pagsasanay bago bigyan ng business kit,” paliwanag ni Flores.

Umabot sa mahigit ₱1 milyon ang kabuuang halaga ng mga business kit na naglalaman ng kagamitan na nauna nang tinukoy ng mga negosyante na pangunahing pangangailangan sa kanilang operasyon. Kabilang dito ang mga gamit sa food processing, vulcanizing shop, furniture store, cellphone repair, at iba.

Isa sa mga benepisyaryo si Darwin Calub, may-ari ng DJK Motor Parts and Repair Shop.

Ayon sa kanya, tumanggap siya ng air compressor at iba pang kagamitan na pangunahing kailangan sa kanyang negosyo na pinapatakbo niya sa loob ng walong taon kasama ang kanyang asawang si Jouana Rose.

“Malaking tulong po ang mga tools at air compressor na ibinigay ng DTI para sa aming motor repair at vulcanizing shop,” pahayag ni Calub.

Samantala, ang Samahan ng mga Mangingisdang Kababaihan ng Sablayan at SAMAKA Producers Cooperative ay tumanggap ng M-7177 bottles na gamit sa kanilang produktong bottled tuna.

Ayon kay SAMAKA chairperson Marissa Manzano at General Manager Corazon Digma, mahalaga na mataas ang kalidad ng mga bote dahil dito nila niluluto ang tuna gamit ang pressure cooker.

Lubos naman ang pasasalamat ng kooperatiba sa tulong ng DTI.

“Malaking bagay ito upang mapalakas naming muli ang aming negosyo,” ayon kay Digma.

Pasasalamat din ang ipinaabot ni Executive Assistant Fernando Dalangin, kinatawan ng Pamahalaang Lokal ng Sablayan, sa patuloy na suporta ng DTI sa maliliit na negosyante ng bayan.

“Bukod sa mga benepisaryo, nakikinabang din ang mga residente at ang buong bayan sa NSB, dahil habang lumalakas ang mga micro entrepreneurs, mas lumalago rin ang ekonomiya ng Sablayan,” sabi Dalangin.

Umaasa ang Pamahalaang Lokal ng Sablayan na magpapatuloy ang DTI sa paggabay at pagtulong sa kanilang mga MSMEs. (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content