LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) — Tumanggap ng P10,000 cash incentive mula sa pamahalaang panlalawigan ang 459 na mag-asawa sa Albay na umabot sa ika-50 anibersaryo ng kanilang kasal.
Ang aktibidad na “May forever sa Albay” ay pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development nitong Nobyembre 23 at 24 sa Albay Astrodome.
Ayon kay Albay Gov. Edcel Grex Lagman, ito ay bahagi ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng pagkilala ang kahalagahan ng matatag at mahabang pagsasamahan na ipinangako ng mag asawa sa harap ng altar.
Binigyang diin ni Lagman na ang buo at maayos na pamilya ay isang pundasyon ng masaya at progresibong komunidad.
‘’A strong family is the foundation of healing and happy communities in Albay, kaya’t talagang nais ng PGA na mabigyan ng insentibo itong mga legal na kasal ni lolo at ni lola sa katulad nitong mga programa,’’ saad ni Lagman.
Tumanggap ng P10,000 cash incentive mula sa pamahalaang panlalawigan ang 459 na mag-asawa sa Albay na umabot sa ika-50 anibersaryo ng kanilang kasal, sa layuning mabigyang halaga ang buo at maayos na pamilya bilang pundasyon ng masaya at progresibong komunidad.(Photo from Albay Provincial Information Office)
Ito rin aniya ay isang patunay sa mga younger married couples na ang pagkakaroon ng matatag na samahan at malalim na pag-iibigan ay nagdudulot ng kabutihan sa pamayanan.
Pinasalamatan rin ni Lagman si Vice Governor Glenda Ong Bongao sa ipinakitang suporta nito sa nasabing programa.
‘’Thanks kay VG Glenda Ong Bongao for being the principal author of an ordinance institutionalizing a program providing for a cash incentive in the amount of 10k pesos for all couples in Albay who have contracted legal marriages breaching the 50-year mark,’’ saad ni Lagman.
‘’Love is a decision for the most part. Ang desisyon to stay together and make one’s marriage work. You chose to love each other, no matter what,” dagdag niya.
Ang programang ito ay bahagi ng Provincial Ordinance 0052-2021 #May Forever Ordinance ni Vice Governor Glenda Ong-Bonggao. (With reports from Cyryl L. Montales/PIA5-Albay)