QUEZON CITY (PIA) — Higit sa 30 na mga nanay mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang lumahok sa “Usapang Nutrisyon sa Barangay: Sa PPAN, Sama-Sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat!” noong Hulyo 19, 2024 sa Lungsod ng Valenzuela.
Ito ay bahagi ng inisyatibo ng National Nutrition Council – National Capital Region (NNC-NCR), kasama ang City/Municipality Nutrition Committee, Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR) at Natureearth Corporation, na sabay-sabay na isinagawa ng 17 na Local Government Units (LGUs).
Isa si Leslie Caranog mula sa Barangay Karuhatan, Valenzuela, sa mga benepisyaryo ng 4Ps na lumahok sa programa. May limang anak, ibinahagi ni Leslie kung paano nakatulong ang programang pang-nutrisyon ng lungsod sa kanyang pamilya:
“Mas lumawak ang kaalaman ko sa tamang nutrisyon na dapat na ibigay ko sa aking mga anak. Ang mga programa para sa aming 4Ps ay nagbigay ng tamang impormasyon at praktikal na tips sa pagpili at paghahanda ng masusustansyang pagkain. Ngayon, mas sigurado akong nakukuha ang kailangan ng aking mga anak sa kanilang paglaki at pag-aaral.”
Layunin ng programang ito na turuan ang komunidad tungkol sa kahalagahan ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023-2028 bilang gabay sa paglaban sa malnutrisyon at food insecurity sa bansa.
Isinusulong din nito ang tatlong pangunahing estratehiya ng PPAN: tamang pagkain, positibong kaugalian sa nutrisyon, at tiyakin ang akses sa mga serbisyong pangnutrisyon. Bukod dito, hinihikayat ang mga LGUs at iba pang stakeholders na magsagawa ng mga programa para ipaalam ang mga problemang ikinakaharap ng bansa ukol sa nutrisyon at kung paano ito masosolusyunan ayon sa PPAN. (GLDG/PIA-NCR)