Ang Super Health Center ay naglalayong makapaghatid ng de-kalidad na serbisyong medikal, partikular sa mga naninirahan sa mga komunidad na malayo sa malalaking ospital. (Larawan mula sa opisina ni Sen. Bong Go)
ROMBLON, Romblon (PIA) — Limang (5) Super Health Center ang inaasang itatayo sa probinsya ng Romblon sa susunod na mga buwan bilang tugon ng pamahalaan sa pangangailangang medikal ng mga Romblomanon.
Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go nang ito ay bumisita sa probinsya nitong Marso 16, ang mga Super Health Centers ay ibibigay sa mga lokal na pamahalaan kapag tapos nang gawin ng Department of Health.
“Pwedeng i-improve pa at palawakin ang services dito. Pwede manganak, dental at pagbakuna, at iba pang laboratory tests. Iyan ang Super Health Center, para talaga ‘yan sa mga mamamayan dito sa Romblon,” pahayag ni Go.
Ang Super Health Center ay iba pa sa Malasakit Center dahil ito ay may taglay na database management, out-patient, birthing, isolation, x-ray, ultrasound, pharmacy, at iba pa.
Sinabi ni Go na sa taong 2022 ay 307 Super Health Centers ang napondohan ng DOH at mga mambabatas habang 322 naman na Super Health Centers ngayong taon.
“Ilalagay po ito sa mga strategic areas kung saan po’y ilalapit natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan na hindi na ho sila kailangang mag-travel pa sa malalayong ospital,” ayon kay Go.
Sa Romblon, maliban sa Romblon Super Health Center, may itatayo ring Calatrava Super Health Center, Magdiwang Super Health Center, San Andres Super Health Center at San Jose Super Health Center.
Bukod dito, nag-alok si Go na tulungan ang mga residente na may problemang medikal dahil pinayuhan niya silang humingi ng tulong sa Malasakit Center sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Go na suportado nito ang pagtatayo ng marami pang specialty centers alinsunod sa Philippine Development Plan 2023-2028 na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos. (PJF/PIA Mimaropa)