500 magsasaka sa Orani tumanggap ng ayuda mula sa DA

LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Nasa kabuuang 500 magsasaka sa bayan ng Orani sa Bataan ang tumanggap ng tig-P5,000 ayuda mula sa Department of Agriculture (DA).

Ito ay sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).

Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, ang mga magsasaka ay isa sa prayoridad ng pamahalaan.

Ibinahagi rin ni Evangelista na makatatanggap ang pamahalaang bayan ng Orani ng P5 milyon na tulong pinansiyal mula sa Enhanced KADIWA Financial Grant Assistance Program at P2.4 milyon pondo na nakalaan para sa mga binhi at pataba.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Mayor Efren Dominic Pascual Jr. ang ahensya sa patuloy na pagbibigay ng tulong para sa kanyang mga nasasakupan.

Nagpasalamat din ang alkalde sa mga magsasaka na nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mga ito.

Ang pondo ng RFFA ay nakabase sa kabuuang nakokolekta mula sa sobrang mga kita sa taripa ng RCEF batay sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law. (CLJD/RPQ-PIA 3)

Nasa kabuuang 500 magsasaka sa bayan ng Orani sa Bataan ang tumanggap ng tig-P5,000 ayuda mula sa Department of Agriculture. (Mayor Efren “Bondjong” Pascual Jr. FB Page)

In other News
Skip to content