6 pamahalaang lokal sa Occidental Mindoro, benepisyaryo ng ‘free wifi’ ng DICT


Nagpapaabot ng pasasalamat si Governor Ed Gadiano sa Department of Information and Communications Technology (DICT), para sa ipinagkaloob nitong mga kagamitan sa anim na LGU sa probinsya kabilang ang Pamahalaang Panlalawigan. (VND/PIA OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Pinagkalooban kamakailan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Pamahalaang Panlalawigan at limang bayan sa probinsya ng VSAT (very small aperture terminal) at mga aksesorya nito, gayundin ng generator set.

Ang mga nabanggit na mga kagamitan, na iginawad sa pamamagitan ng Broadband ng Masa Project – Free Wifi Program, ay inaasahang magkokonekta sa mga natukoy na Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) sa probinsya.

Nabatid sa mga nakaraang panayam sa DICT OccMDo na malaki ang maitutulong ng programa upang magkaroon ng libreng access sa internet ang mga naninirahan sa malalayong lugar na karaniwang itinuturing na nasa laylayan ng lipunan.

Magsisilbing daan ang Broadband ng Masa para mas mabilis makarating sa mga nasa GIDA ang mahahalagang impormasyon, kaalaman, oportunidad sa trabaho, at iba pang online services. Magagamit din ang naturang free connectivity upang makatulong ang pamahalaan sa panahon ng sakuna at kalamidad gayundin sa insurhensya at iba pang emergencies.

Sa mensahe ni Cabinet Officers for Regional Development and Security (CORDS) at DICT Secretary Ivan John Uy, sa pulong ng Regional Peace and Order Council (RPOC) sa Mamburao kamakailan, ay sinabi nitong mayroon nang 823 active wifi sites sa Mimaropa at 154 dito ay nasa GIDA. Inaasahan ng Kalihim na malaking tulong ito sa pag-unlad ng ICT industry sa rehiyon at tiniyak na madadagdagan pa ang bilang ng wifi sites.

Bukod sa Pamahalaang Panlalawigan, pinagkalooban din ng VSAT at generator set ang mga bayan ng Looc, Lubang, Mamburao, Sablayan at San Jose. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content