LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Namahagi kamakailan ang Department of Science and Technology (DOST) Oriental Mindoro ng 60 ceramic water filters sa Municipal Health Office (MHO) Mansalay na siya naman ipinagkaloob sa mga residente ng Barangay Bonbon at Waygan ng nasabing bayan upang makainom ng tubig na ligtas para sa kalusugan.
Pinangunahan ni Provincial Science and Technolory Officer, Jesse Pine ang pagkakaloob ng mga nasabing DOST-developed Ceramic Water Filter (CFW) kay Municipal Administrator Engr. Alexis Diama at sa mga kinatawan ng Municipal Health Office (MHO) Mansalay na siya din agad na ipinagkaloob ang 30 unit sa Bgry. Bonbon at 30 din sa Brgy. Waygan.
Base sa talaan ng MHO noong 2022, nasa 211 kaso ng dehydration ang naiulat at tatlo dito ay nasa malubhang kalagayan at naging sanhi ng pagkamatay ng ilang residente mula sa mga barangay ng Manaul, Bonbon at Waygan.
Ang inisyatibong ito ay tugon ng DOST sa kahilingan ng MHO sa tulong ng Municipal Science and Technology Coordinator (MSTC) para matugunan ang hinaing ng mga residente na ang sanhi ng pagkakaroon ng water-borne diseases ay dahil sa walang humpay na pag-ulan sa naturang lugar.
Plano rin ng MHO na mabigyan ang bawat pamilya sa mga apektadong barangay para maiwasan ang pagkakasakit ng mga residente. (DN/PIA-MIMAROPA)
Larawan sa itaas: Tinanggap ni Mansalay Municipal Administrator Engr. Alexis Diama (ikatlo mula sa kaliwa) at mga kawani ng Municipal Health Office kay DOST-Oriental Mindoro PSTO, Jesse Pine (ikatlo mula sa kanan) ang 60 unit ng DOST-developed Ceramic Water Filter para ipagkaloob sa mga residente ng Brgy. Bonbon at Waygan. (Larawan kuha ng DOST-MSTC Mansalay FB Page)