LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Abot sa 600 na pamilya mula sa rehiyon ng Bangsamoro ang inaasahanang makakabenepisyo mula sa Food Stamp Program (FSP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang bagong programa ng pamahalaang nasyunal upang labanan ang pagkagutum sa bansa.
Kaugnay nito, kamakailan ay bumisita si DSWD secretary Rex Gatchalian kay BARMM chief minister Ahod Balawag Ebrahim upang ipakilala ang nasabing programa.
Layon ng FSP na magbigay ng pagkain sa mga pamilyang Filipino na tinukoy ng Philippine Statistics Authority bilang mga “food-poor.” Sa ilalim ng nabanggit na programa, bawat pamilya ay bibigyan ng Electronic Benefit Transfer o EBT cards na lalagyan ng food credits.
Ayon kay Gatchalian, ang FSP ay isang paraan upang maibsan ang kagutuman ng mga mahihirap na pamilya. Dagdag pa niya, bibigyang prayoridad din ng programa ang mga nagpapasusong ina at buntis.
Samantala, ang DSWD ay makikipag-ugnayan sa Ministry of Social Services and Development (MSSD-BARMM) para sa pagtukoy ng mga benepisyaryo sa BARMM. (With reports from Bangsamoro Government).