667 na PWDs, tumanggap ng tulong pinansyal mula sa BARMM gov’t

LUNGSOD NG COTABATO (PIA )– Abot sa 667 na Persons With Disabilities (PWDs) na mga mahihirap mula sa mga probinsya ng Lanao del Sur at Maguindanao del Norte ang tumanggap kamakailan ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD-BARMM).

Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig P1,500. Ito ay sumasaklaw sa unang quarter ng kanilang buwanang subsidy na nagkakahalaga ng P500 sa kasalukuyang taon.

Ayon sa MSSD-BARMM, kabilang sa mga benepisyaryo ang 449 na PWDs mula sa bayan ng Wao, Lanao del Sur, at 168 pang PWDs mula sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.

Sinabi ni MSSD-BARMM Minister Atty. Raissa Jajurie na ang nabanggit na tulong ay sumasalamin sa mga pagsisikap ng tanggapan upang maisulong ang mga karapatan at pangangailangan ng mga PWD sa buong rehiyon.

Ang tulong ay naipatupad sa ilalim ng “Kalinga para sa may Kapansanan Program,” isang special protection program ng ministry. Layon nitong maiangat ang buhay ng mga mahihirap na PWD sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal.

Samantala, sa mga susunod na araw ay mamamahagi ng rice subsidies ang MSSD sa mga pamilyang benepisyaryo ng “Unlad Pamilyang Bangsamoro Program” sa rehiyon. (With reports from Bangsamoro government).

In other News
Skip to content