LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Binigyan ng Social Security System (SSS) ng compliance order ang walong establisyimento sa bayan ng Victoria dahil sa hindi pagbibigay ng benepisyo o hindi pag remit ng mga kinaltas na kontribusyon sa mga empleyado para sa SSS sa pamamagitan ng programang Run After Contribution Evaders (RACE).
Sinabi ni SSS Luzon South Division 2 Acting Head, Atty. Alejandre T. Diaz, “Layunin ng aming tanggapan ang mapaalalahanan ang mga delinquent employers sa kanilang obligasyon na i-remit sa aming tanggapan ang kontribusyon na kinakaltas sa sweldo ng kanilang mga empleyado upang sa hinaharap ay mapakinabangan nila ang mga benepisyo nito.”
Ayon pa kay Diaz, nalalaman ng kanilang tanggapan ang mga lumalabag sa nasabing hindi pagbabayad ng mga delingkwenteng employer ay dahil na rin sa sumbong ng kanilang mga manggagawa bunsod na rin ng pagtatanong o pagmonitor nila sa SSS kung sila ba ay hinuhulugan ng kontribusyon matapos ikaltas sa sweldo ang para sa SSS.
Nasa walong pribadong tanggapan ang pinadalhan ng nasabing utos na kinabibilangan ng grocery, parmasya, hardware, 24-hour convenient store, kainan, tindahan ng sapatos, at isang pribadong hospital.
Samantala, matapos hindi tumugon sa unang paalala ang mga may-ari ng tanggapan ay muli silang paalalahanan ng SSS at sakaling hindi pa rin ginagawa ang kanilang obligasyon ay magsasampa ng kaso sa piskalya ang SSS para sila ay magpaliwanag. Kung wala pa ring tugon ay isasampa na sa korte ang kasong kriminal na may kaukulang parusa na anim na taon hanggang isang araw at maaari rin umabot pa sa 12 taong pagkakabilanggo.
Ang programang RACE ay ipinatuad noong 2017 at nahinto lamang noong panahon ng pandemya at ngayo’y patuloy pa rin itong isinasagawa sa buong bansa. (DN/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)
Isinagawa ng SSS ang isang press conference sa bayan ng Victoria bago ipatupad ang programang Run After Contribution Evaders (RACE) na pinangunahan ni (kanan pa kaliwa) SSS Calapan Branch Head Imelda Familaran, Acting Head ng Luzon South Division 2, Atty. Alejandre Diaz, Legal Officer Atty. Marc Villanueva at CEO II Redentor Imperial. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Mimaropa/OrMin)