8 LGU-Run Training Centers sa OrMin, pinarangalan ng TESDA

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Ginawaran ng parangal ang walong pamahalaang lokal mula sa lalawigan bilang pakikiisa at katuwang sa adbokasiya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na siyang nagsisilbing Technical-Vocational Institute (TVI) o training schools/centers sa kanilang mga lugar, sa isinagawang Community Training and Employment Coordinators (CTEC) Congress na ginanap noong Setyembre 27 sa Heritage Hotel sa lungsod ng Pasay.

Nagtipon ang nasa 150 delegado mula sa limang lalawigan ng rehiyon ng Mimaropa bilang mga pangunahing tagapagtaguyod sa kani-kanilang komunidad na kapwa dinaluhan ng 12 punong ehekutibo at kinatawan ng mga gobernador at kongresista.


Tinanggap ni Antonio Magnaye (kaliwang larawan) na kumatawan kay Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor at si Bulalacao Mayor Ernilo Villas (kanang larawan) ang plake ng pagkilala mula sa tanggapan ng TESDA sa ginanap na Community Training and Employment Coordinators (CTEC) Congress na ginanap sa Heritage Hotel sa lungsod ng Pasay kamakailan. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-OrMin)

Sa pamamagitan ng mga resolusyong ipinasa sa Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan, naitatag ang mga paaralang pangsanay na TVI sa lalawigan na pinatatakbo ng LGU; ang Baco Community College sa Brgy. Pulantubig at Baco Technical Vocational School sa Brgy. Poblacion, gayundin ang Bulalacao Technical Vocational College sa Brgy. San Roque, Colegio De Naujan sa Santiago, Gloria Institute of Science and Technology (GIST) sa Maligaya, Municipal Development Technical and Vocational Institute (MDTVI) sa Brgy. Poblacion sa Puerto Galera, Roxas Community College sa Dangay at Language Skills Institute (LSI) of Oriental Mindoro na matatagpuan sa Kapitolyo sa lungsod na ito.

Dahil dito, tinangggap ng mga punong bayan at punong lalawigan ang plake ng pagkilala mula kay Tesda Regional Director Angelina M. Carreon dahil sa kontribusyon ng lokal na pamahalaan na makapagpatayo ng mga paaralang pansanay bilang karagdagang institusyon at katuwang ng Tesda sa pagpapalaganap ng kanilang adbokasiya sa pagpapalakas at pagbibigay ng dagdag kaalaman sa trabahong pangkabuhayan sa lugar na kanilang nasasakupan.

Kabilang din sa mga dumalo ay sina Deputy Director General Vidal D. Villanueva na kumatawan kay TESDA Sec. Suharto Mangudadatu; Gob. Presbitero J. Velasco, Jr. ng lalawigan ng Marinduque; DILG Regional Director Karl Caesar R. Rimando at mga TESDA Provincial Directors. (DPCN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content