81 magsing-irog, ikinasal sa ‘Love Affair With Nature’ sa Puerto Princesa City

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nasa 81 na magsing-irog ang ikinasal sa ginanap na 21st Love Affair With Nature (LAWN) sa lungsod ng Puerto Princesa ngayong Pebrero 14, 2025, kung saan si Mayor Lucilo R. Bayron mismo ang nagkasal sa mga ito.

Pagkatapos ng kasalan ay ipinakita naman ng mga magsing-irog ang kanilang pagmamahal sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng punong bakawan.

Ang “Love Affair With Nature,” na may temang “Roots of Resilience: Planting Mangroves, Nourishing Communities” ay isa lamang sa mga programa ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa kaugnay sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang Love Affair With Nature ay nagsimula pa noong taong 2003 at pinagtibay sa pamamagitan ng City Ordinance 287 na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod noong Setyembre 16, 2005, kung saan nakasaad na isasagawa ang aktibidad tuwing Pebrero 14 ng bawat taon.

Nasa 8,000 iba’t ibang punong bakawan naman ang inhanda ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na siyang itinanim ng mga nakiisa sa nasabing aktibidad maging ng mga magsing-irog na ikinasal. Kabilang sa mga seedling na ito ang Tabigi, Dungon, Tangal, Late, Pototan at iba pa.

Ang 2025 LAWN ay isinagawa sa dalawang ektaryang mangrove area sa Sitio Bucana, Brgy. Iwahig.

Pangunahing layunin ng programang ito na mapanumbalik ang sigla, paigtingin at magkaroon ng tuloy-tuloy na programa na mapanatili at mapaunlad ang mangrove areas at kagubatan ng lungsod na nasira ng mga natural na kalamidad at iligal na pamumutol nito.

Sa kanyang mensahe, binigyan diin ni Mayor Bayron ang kahalagahan ng bakawan. Ayon sa kanya, ang bakawan ay panangga sa storm surge, at napagkukuhanan din ito ng pagkain at hanapbuhay para sa mga mangingisda, kabilang na rin ang coastal protection.

Sinabi din nya na nasa 50 hanggang 80 porsiyento ang survival ng mga itinanim na bakawan noong mga nakalipas na Love Affair with Nature. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content