820 residente ng Tambunan, Tumagabok at Sabong rehistrado na sa PhilSys

BOAC, Marinduque (PIA) –Umabot sa 820 ka mga residente sa tatlong malalayo at bulubunduking barangay sa bayan ng Boac, Marinduque ang nairehistro na nga Philippine Statistics Authority (PSA) sa Philippine Identification System (PhilSys).

Ang nasabing mga residente ay galing sa Barangay Tambunan, Tumagabok at Sabong sa Bayan ng Boac, Marinduque.

Ayon kay PSA-Marinduque Chief Statistical Specialist Gemma Opis, sa kabila ng mga hamon sa transportasyon, paglilipat ng mga registration kit mula sa isang barangay patungo sa isa pang malayong komunidad at kawalan ng maayos na internet signal ay naging matagumpay na maisakatuparan ang kanilang programa.

Sa Barangay Sabong ay umabot sa 176 na residente ang nakapagparehistro sa PhilSys, 404 sa Barangay Tambunan at 240 naman ang nagmula sa Barangay Tumagabok.

Mula sa 61 barangay sa bayan ng Boac ay 57 na ang napuntahan ng mga opisyal ng PSA-Marinduque samantalang ang apat na natitira kabilang ang Bayuti, Binunga, Boi at Canat ay nakatakda namang bisitahin sa mga sumusunod na araw.

Patuloy naman ang pananawagan at apela ng ahensya sa mga mamamayang hindi pa nakapagpapatala na magtungo na at magparehistro sa pinakamalapit na Philippine System Registration Center.

Sa may katanungan naman o kailangan ng karagdagang paglilinaw, mangyaring makipag-ugnayan sa mga numerong (042)332-0848 at (042)754-0024 o kaya ay magpadala ng email sa [email protected].

Alinsunod sa Republic Act No. 11055 o mas kilala bilang Philippine Identification System Act, nais ng pamahalaan na magtatag ng isang pambansang sistema ng pagkakakilanlan para sa lahat ng mamamayan at residenteng dayuhan ng Republika ng Pilipinas. (RAMJR/AMKDA/PIA-Marinduque)

In other News
Skip to content