DOLORES, Quezon (PIA) — Mas inilapit pa ng pamahalaan ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng Dolores sa pagbubukas ng Super Health Center na proyekto ng Department of Health (DOH).
Nitong Miyerkules, ika-24 ng Mayo ay pinangunahan ng DOH Calabarzon ang ribbon-cutting ceremony at blessing ng naturang pasilidad sa Brgy. Bulakin II, Dolores Quezon.
Ayon kay DOH Calabarzon Regional Director Ariel I. Valencia, pangunahing tutugunan ng Super Health Center ang pangangailangang medikal at pangkalusugan ng mga residente.
“Hindi na kailangan pang magtungo sa malalayong ospital para lamang magpa x-ray at blood chem. Sa pamamagitan nito ay makakatulong tayo para ma-decongest ang mga ospital,” pahayag ni Valencia.
“Health is a basic right, at yan po ang inaasahan sa atin bilang lingkod bayan. Ibibigay po natin ang para sa kanila. Tayo po ay magtulungan upang ang lahat ay makaabot sa serbisyong pangkalusugan na tutugon upang magkaroon tayo ng isang maunlad na bayan,” dagdag nito.
Ang pasilidad na may kabuuang pondo na P6.5 milyon ay bahagi ng Health Facility Infrastructure Project ng DOH. Kabilang sa mga ibibigay nitong serbisyong pangkalusugan ang konsultasyon, clinical laboratory, x-ray, at botika.
Nagkaloob din ang ahensiya ng mga kagamitan para sa Super Health Center. Maglalaan din ito ng isang radiologic technician para sa pasilidad.
Dolores Birthing Home
Kasabay ng pagbubukas ng Super Health Center ay pinangunahan din ng DOH Calabarzon ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng Dolores Birthing Home.
Ang pasilidad na mayroong 4-bed capacity at kabuuang pondo na P5 milyon ay inaasahang matatapos sa loob ng 180 araw, ayon sa DOH Calabarzon.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Dolores Mayor Orlan Calayag kay Valencia at Quezon 2nd District Representative David “Jayjay” Suarez para sa kanilang suporta sa pagsasakatuparan ng Super Health Center at birthing home.
“Maraming maraming salamat po sa inyong lahat lalo na sa tulong na inihadog ng Department of Health. Ito po ay isang manipestasyon na sa isang bayang nagkakaisa, ay talaga namang panalo ang taumbayan,” ani Calayag. (PIA QUEZON)