Action Center para sa kababaihan at bata, binuksan sa Maguindanao del Norte

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Magkakaroon na ng ligtas na tahanan ang mga kababaihan at batang nakaranas ng Gender-Based Violence (GBV) at iba pang klase ng mga pang-aabuso matapos buksan kamakailan ng Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim (MSSD-BARMM) ang bagong gawang action center sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.

Ang nasabing center na tinawag na “Kanlungan” ay isang dalawang palapag na pasilidad na kayang makapabigay ng serbisyo sa higit 16 ka tao. Mayroon din itong kusina, recreation room, counselling room, bedrooms, comfort rooms, at playground.

Ayon kay MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie, ang Kanlungan action center ay isang patunay sa mga pagsisikap ng ministry upang matulungan ang mga kababaihan at kabataan lalo na ang mga biktima ng iba’t ibang karahasan.

Samantala, binigyang-diin naman ni MSSD Provincial Social Worker Officer Hadja Emma Ali na ang center ay kumpleto sa kagamitan, at personnel upang masiguro na maibibigay ang lahat ng mga pangangailangan ng kliyente.

Kabilang sa mga kinakailangang requirement bago makapasok ang isang klyente sa center ay interview, orientation, medical consultation, at psychological evaluation.

Sa kanilang pananatili sa center ay susubaybayan sila ng mga social worker at house parents para sa kanilang recreational activities. (With reports from MSSD-BARMM).

In other News
Skip to content