Nagsagawa ng Onion Credit Caravan ang Department of Agriculture (DA) sa Occidental Mindoro upang ihatid sa mga magsasaka ng sibuyas ang mga agri-credit program ng pamahalaan. Ang mga larawan ay mula sa Agricultural Credit Policy Council. (VND/PIA OccMdo)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nagsagawa ng Onion Credit Caravan ang Department of Agriculture (DA) sa mga bayan ng Magsaysay at Mamburao, upang ihatid sa mga magsasaka ng sibuyas ang mga agri-credit program ng pamahalaan.
Ayon kay San Jose Municipal Agriculturist Romel Calingasan, nakikita ng DA na higit pang lalakas ang industriya ng sibuyas sa probinsya kung matutugunan ang pangangailangang pinansyal ng mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang lending institutions.
Dumalo sa caravan ang mga magtatanim ng sibuyas mula sa mga bayan ng Magsaysay, San Jose, Rizal, Sablayan, Mamburao, Paluan at iba pa, gayundin ang Land Bank of the Philippines at Agricultural Credit Policy Council (ACPC). Nakibahagi rin sa aktibidad ang mga kooperatiba na nagsilbing conduit ng ACPC kabilang ang Occidental Mindoro Cooperative Bank, Lourdes Multipurpose Cooperative, GENARO Multipurpose Cooperative at Mindoro Progressive Multipurpose Cooperative.
Sinabi ni Calingasan na isa sa karaniwang problema ng mga magsasaka ang kakapusan sa pondo para sa pagtatanim at pag-ani. “Naglalaro sa P250,000 hanggang P300,000 ang maaaring gastusin ng mga nagtatanim ng sibuyas, para lamang ng isang ektaryang lupa,” ayon kay Calingasan. Higit pa aniyang malaki ang kailangan kung ang kapital ay gagamitin sa pagpapalawak ng kanilang sinasakang lupa.
Paliwanag ni Calingasan, malaking bagay ang idinaos na caravan dahil naipaliwanag ng mga lending institution ang ilang rekisitos at proseso kung paano makakahiram ng pondo ang isang magsasaka. Aniya, sa Land Bank of the Philippines maaaring umutang ng P50,000 kada ektarya (maximum ng limang ektarya) na may dalawang porsyentong interes sa bawat taon. Sa ACPC naman at conduits nito, makakapagpautang sila ng P300,000 bawat ektarya (maximum ng dalawang ektarya) sa interes na 6.7% kada taon.
“Maaari ring manghiram ang mga magsasaka sa mga conduits ng ACPC kahit hindi sila kasapi ng kooperatiba,” ani Calingasan.
Dagdag ni Calingasan, madali lamang ang mga requirement na hinihingi ng mga dumalong lending institutions at una rito ay ang pagiging kasapi sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
”Maaari nating gabayan ang mga magsasaka ng San Jose na nais mangutang,” saad pa ni Calingasan.
Naniniwala si Calingasan na malaki ang ambag ng Occidental Mindoro upang makamit ng rehiyon ang mataas na produksyon ng sibuyas sa bansa. Aniya, susi sa pag-angat ng industriya ng sibuyas sa probinsya ang patuloy na pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, DA, at iba pang stakeholders. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nanguna ang Mimaropa sa produksyon ng sibuyas sa ikalawang bahagi ng 2023. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)