Agrikultura, kalusugan kabilang sa mga prayoridad na sektor ng TESDA NE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Tinukoy ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Nueva Ecija ang mga prayoridad na sektor sa pamamahagi ng mga kasanayang bokasyonal.

Resulta ito ng isinagawang skills mapping ng ahensya kung saan tinukoy ang mga nangangailangan ng pagsasanay partikular ang mga nasa agriculture, construction, information technology, manufacturing, tourism, at health and wellness.

Ayon kay Provincial Director Elpidio Mamaril Jr., sinumang kabilang sa mga nabanggit na sektor ay maaaring kumuha ng mga kursong libreng ipinagkakaloob ng TESDA katuwang ang mga rehistradong Technical Vocational Institutions sa lalawigan.

Ang mga nasa pagsasaka ay maaaring kumuha ng kursong Agricultural Crops Production, Organic Agriculture Production, Production of High Quality Inbred Rice, Seed Certification, Farm Mechanization, Test and Nutrient Management, Animal Production, Digital Agricultural Course at Mushroom Production.

Hinihikayat din ni Mamaril ang mga nasa construction sector na mag-aral ng mga kursong bokasyonal tulad ng Shielded Metal Arc Welding, Gas Metal Arc Welding, Electrical Installation and Maintenance, Electronics Products Assembly and Servicing, Pipefitting, Scaffolding Works, at Heavy Equipment Operation.

Mayroon ding iniaalok na kursong Contact Center Services, Computer Systems Servicing, at Visual Graphic Designing ang TESDA sa ilalim ng Information Technology gayundin ang Bags, Accessories at Footwear Making para naman sa mga nais magtayo o magsimula ng negosyo.

Kasama rin sa mga nabanggit na kursong maaaring pag-aralan ang Food and Beverage Services, Bartending, Housekeeping, Front Office Operation, Cookery, Bread and Pastry Production, Events Management Services, at Tourism Promotion Services para sa mga nasa tourism sector.

Hindi naman mawawala sa mga kursong inihahandog ng TESDA ang Caregiving, Hilot o Wellness Massage at Pharmacy Services.

Ipinahayag ni Mamaril na mula sa mga nabanggit na kurso ay nananatiling in-demand sa lalawigan ang Caregiving, Contact Center Services at mga construction-related courses na madaling nakahahanap ng trabaho dito sa lokal at maging sa ibang bansa.

Kaugnay nito ay kaniya ring ibinahagi ang mga scholarship program ng kagawaran na maaaring mapakinabangan ng mga kababayan upang mapaunlad ang kasanayan na magagamit sa  paghahanap ng trabaho.

Kabilang na rito ang Training for Work Scholarship Program, Special Training for Employment Program, Tulong Trabaho Scholarship Program at marami pang iba.

Para sa iba pang detalye ng mga kurso at scholarship program na inihahatid ng TESDA Nueva Ecija ay maaaring tumawag sa kanilang himpilang 09178072932 o magpadala ng mensahe sa kanilang email address na [email protected].

Maaari ring personal na magtungo sa kanilang opisina na matatagpuan sa Purok 4, San Josef Sur sa lungsod ng Cabanatuan.

Simula Enero ng taong ito ay mayroon nang 931 iskolar ang naka-enrol sa mga scholarship program ng tanggapan samantalang nasa 92 naman ang nakatapos na sa mga kursong pinag-aralan.

Nagsilbing panauhin si Mamaril sa kamakailang episode ng programang Leaders In Focus ng Philippine Information Agency na hangad maipalaganap ang maraming inisyatibo at programang isinusulong ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ibinahagi ni Technical Education and Skills Development Authority Provincial Director Elpidio Mamaril Jr. ang mga tinututukang sektor sa lalawigan na kabilang sa mga pinagkakalooban ng mga kasanayang bokasyonal. (Camille C. Nagaño/PIA 3)
In other News
Skip to content