PAGBILAO, Quezon (PIA) — Mas pinalakas pa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon District Jail ang pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS) sa mga persons deprived of liberty (PDL) na nasa loob ng kanilang pasilidad.
Sa idinaos na Kapihan sa Piitan sa Quezon District Jail sa kamakailan, sinabi ni Jail Warden Jail Supt. Jack Lord Cariño na may mahigit na 28 PDL ang kasalukuyang benepisyaryo ng ALS sa baytang na elementarya at sekundarya.
“Nais namin na sa paglabas dito ng mga PDL ay may natutunan sila na magpapabago sa kanilang buhay,” dagdag pa ni Cariño.
Bukod dito ay may livelihood activity din ang mga PDL tulad ng baking, handicraft making, gardening at iba pa. Mayroon ding regular na sports activity at medical check up ang mga PDL dito.
Bagama’t wala silang babaeng PDL na nasa kanilang pangangalaga ay pinahahalagahan naman nila ang kakayahan ng kababaihan sa pamamagitan ng kanilang programa na ‘Alagang may Puso, Serbisyong may Dignidad’.
Inihayag din ni Carino na sa kasalukuyan ay may 731 PDL ang nasa kanilang pangangalaga. (Ruel Orinday, PIA Quezon)