Annual Social Pension ng mga PWD sa lungsod, inilabas na

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Inilabas na ng pamahalaang lungsod ang inaasam-asam na Annual Social Pension ng mga may kapansanan o Persons with Disability (PWD) sa lungsod na ito matapos ang isinagawang balidasyon sa mga kasapi nito lamang Enero.

Isinagawa ang pamamahagi sa loob ng dalawang araw ng sabay-sabay ng City Social Welfare and Development Department sa 62 barangay sa pamamagitan ng clustered barangay kung saan ginawa ang aktibidad umaga at hapon at lima sa mga barangay na pinagsama ay ang Bayanan 1 at 2, Palhi, Puting Tubig at Sapul na isinagawa sa Sapul covered court kamakailan.

Nasa humigit-kumulang 200 kasapi mula sa limang nasabing barangay ang pumunta upang kunin ang kanilang taunang pension.

Ayon kay Person with Disabilities Affairs Office (PDAO) head Benjamin Agua, Jr., huling naitala ang bilang ng mga kasapi sa buong lungsod noong Marso ay nasa 2,977, at patuloy pang nadadagdagan, samantala wala na rin sa listahan ang mga kasapi na yumao na.

Ang Annual Social Pension ng PWD ay iniakda ni City Councilor Marian Teresa Tagupa na siya din namumuno sa komite na sumasakop sa PWD at Senior Citizens sa Sangguniang Panlungsod na isinabatas noong Disyembre 2021 bilang City Ordinance No. 94 series of 2021 na ‘Cash Incentive for Persons with Disability in Calapan City.’ (DN/PIA-OrMin)

In other News
Skip to content